NAGSASALIMBAYAN ang mga patutsada mula sa ilang pulitiko, lalo na ang mga netizen, na isailalim sa LIFESTYLE CHECK ang mga tiwaling pulis na umano’y nagbibigay ng masamang imahe sa buong organisasyon ng mga alagad ng batas, matapos ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa liderato ng Philippine National Police (PNP) na itigil muna ang lahat ng operasyon laban sa ilegal na droga at bigyang-daan ang paglilinis sa kanilang hanay.

Tila napakalakas ng mga kritisismo laban sa kaso ng bagong usong gimik ng mga tiwaling pulis, ang TOKHANG FOR RANSOM, kaya biglang ipinag-utos ni PRRD na pansamantalang itigil ang kanyang paboritong proyekto – ang giyera laban sa sindikato ng droga sa buong bansa – kasabay pa ng pagbuwag sa Anti-Illegal Drug Group (AIDG), ang tanggapang nangunguna sa kampanyang ito.

Hindi maitatago ng matitinong pulis ang kanilang pagkadismaya sa biglang pagkambiyong ito ng kanilang mga bossing dahil ramdam na ramdam daw nila na pati sila ay damay sa dumuduming reputasyon ng PNP na kagagawan lamang ng iilan sa kanilang hanay.

Sabi ng ilan sa kanila – kasalanan ito ng ilang bossing nila sa kawalan ng “MATALAS NA PAKIRAMDAM” upang makilatis agad kung sino sa mga tauhan nito ang may mga PILIPIT na lakad…Eh, paano raw hindi mangyayari ito, gayung kung sino pa ang TIWALI ay sila pa ang palaging mababango, pinagtitiwalaan at agad nabibigyan ng importanteng puwesto.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Totoo namang may nangyayaring ganito sa loob ng PNP – kapag namamantikaan ang mga palad ng ilang mga HEPE ay “pansamantagal” na nagiging APPLE OF THE EYE nila ang ganitong uri ng mga tiwaling pulis, ngunit bigla rin naman nilang nilalayuan na animo’y may nakahahawang sakit, kapag may bulilyaso na.

Karamihan sa mga HEPENG ito, magmamaang-maangan na walang alam sa ilegal na gawain ng kanyang paboritong tauhan na madalas niyang kabolahan sa kanyang opisina, habang kapansin-pansin halos ang paninilaw nito sa mga suot na alahas, mga nakapanlalaway na mamahaling sapatos, pantalon at t-shirt, na hindi kayang bilhin ng isang ordinaryong pulis.

Hindi pa kasama rito ang mga sasakyan nilang plaka na may sakay na personal driver habang naghihintay sa harap ng kanyang opisina. Walang patayan ng makina kahit maghapon, animo’y pabrika ng gasolina ang amo nitong isang SPO3 sa serbisyo.

Matagal na rin akong labas-masok sa mga police station dito sa Metro Manila at maging sa mga opisina sa buong Camp Crame bilang isang police reporter at ‘di na kaila sa akin ang simpleng pamumuhay ng mas nakararami nating alagad ng batas na kadalasan ay sobrang naaapektuhan ng mga ganitong biglaang kautusan at paghihigpit dahil lamang sa kapalpakan at kasibaan ng ilan nilang kabaro…Tingnan niyo rin naman sila!

Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)