CAMP BANCASI, Butuan City – Nilabag ng New People’s Army (NPA), ang armadong sangay ng Communist Party of the Philippines (CPP), ang sarili nitong ceasefire nang atakehin ang tropa ng militar na nagsasagawa ng rescue operations sa Caraga Region at Northern Mindanao, sinabi kahapon ni Capt. Joe Patrick A. Martinez, tagapagsalita ng 4th Infantry (Diamond) Division ng Philippine Army.

Ayon kay Martinez, naglunsad ng biglaang mga pag-atake at pananakot ang NPA sa mga tropa ng gobyerno na nasa kasagsagan ng disaster response operations nitong Lunes.

Tinukoy ni Martinez ang magkahiwalay na pag-atake ng mga rebelde sa isang liblib na barangay sa Surigao City at sa tatlo pang barangay sa Kitcharao, Agusan del Norte, nitong Lunes ng madaling araw.

Hatinggabi ng araw ding iyon ay nasa 10 rebelde naman ang umatake sa tropa ng 30th Infantry Battalion na umaayuda sa “Bayanihan” sa Sitio Brazil, Barangay Mat-i, Surigao City.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“However, field troops managed to push the rebels to withdraw out of the community while three soldiers were slightly wounded,” ani Martinez.

Nangyari ang mga pag-atake isang araw makaraang dukutin ng NPA si Private First Class Erwin Salan, miyembro ng Peace and Development Team (PDT) ng 30th IB, habang nagsasagawa ng clean-up drive sa Bgy. Budlingin, Alegria, Surigao del Norte.

Naglunsad din ng mga pag-atake ang NPA laban sa 29th Infantry Battalion (29th IB) sa mga barangay ng San Isidro, Mahayahay at Hinimbangan sa Kitcharao, Agusan del Norte, ayon kay Martinez.

Hinagisan din ng umano’y NPA ng dalawang granada ang mga sundalong nagsasagawa ng relief operations sa Bgy. Concepcion, Valencia City, Bukidnon. (MIKE U. CRISMUNDO)