HONG KONG (AFP) – Lumalalim ang misteryo sa iniulat na pagdukot sa isang Chinese billionaire sa Hong Kong matapos lumabas sa pahayagan ang patalastas kahapon na nanunumpa siya ng katapatan sa China. Pinatindi nito ang mga pangamba sa pakikialam ng Beijing.
Hindi pa rin malinaw kung saan naroon ang financier na si Xiao Jianhua – isa sa pinakamayamang tao sa China – iniulat ng Chinese-language media sa ibang bansa na dinukot siya sa Hong Kong ng security agents mula sa mainland noong nakaraang linggo.
Ipinahihiwatig sa ulat na ang pagkawala ni Xiao ay bahagi ng nagpapatuloy na anti-corruption campaign ng China, na ayon sa ilang kritiko ay ginagamit para targetin ang mga kalaban sa politika ni President Xi Jinping.
Isang front-page advert sa Hong Kong newspaper na Ming Pao, sinasabing mula kay Xiao, ang nagpahayag kahaponm na ‘’ [I] always loved the (ruling Communist) party and the country’’ at hahaharap din siya sa media.
‘’I personally believe the Chinese government is civilised and has rule of law,’’ mababasa sa advert.
‘’I have not been kidnapped.’’
Iginiit ni Xiao, sinabi sa pahayag na siya ay Canadian citizen, na nagpapagamot siya sa ibang bansa at muling itinanggi na siya ay dinukot gaya ng naunang inilathala sa WeChat account ng kanyang kampanya nitong Lunes.