ANUMANG araw ngayon, isa sa 88 Pilipinong nasa death row sa iba’t ibang bansa sa mundo — kung saan milyong overseas Filipino worker (OFW) ang nakatira at nagtatrabaho — ang itatakda ang pagbitay. Gaya sa nakaraang mga kaso, mananawagan ang Pilipinas para sa clemency, at aasahan ng bansa na pagbibigyan ang apela at maisasalba ang buhay ng Pinoy na nahatulan ng kamatayan.
Dahil nagkakaisa tayo bilang mamamayan. Kaisa tayo ng pamilya ni Jakatia Pawa na noong nakaraang linggo ay umapela para sa kanyang buhay at ginawa ng Embahada ng Pilipinas sa Kuwait ang lahat ng makakaya nito kasama ang gobyernong Kuwaiti at ang pamilya ng babaeng umanong pinatay ni Jakatia, na hanggang sa huli ay nanindigang inosente siya. Kaisa tayo ng libu-libo sa mundo na nanawagan kay President Widodo ng Indonesia noong 2015 para sa buhay ni Mary Jane Veloso na nahatulan ng bitay sa pagbibiyahe ng ilegal na droga.
Ngunit kung muling ibabalik ng Kongreso, gaya ng isinusulong ng administrasyon, ang parusang kamatayan at simulan na nating bitayin ang mga bilanggong nahatulan nito, “we will lose any moral authority to ask for clemency for our Filipinos who have been sentenced to death abroad,” sabi ni Bishop Ruperto Santos, chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) Episcopal Mission for the Pastoral Care of Migrants and Itinerent People.
Sinegundahan naman ang opinyon ng obispo ni Buhay Party-list Rep. Lito Atienza, senior deputy minority leader ng Mababang Kapulungan at sinabing kapag ibinalik ng Kongreso ang parusang kamatayan, at sinimulan nang bitayin ang anim na bilanggo kada araw gaya ng minsan nang banta ng Pangulo, magkakaroon ng mas maraming Jakatia at hindi na tayo maaaring umapela ng clemency para sa kanila.
Inalis na ng Pilipinas ang parusang kamatayan sa ating 1987 Constitution, “unless, for compelling reasons involving heinous crimes, the Congress thereafter provides for it.” Sa maikling panahon noong 1993 nang pitong katao ang binitay sa serye ng mga karumal-dumal na krimen, ngunit wala nang sumunod sa kanila simula noon. Samantala, pinagtibay noong 2007 ng United Nations General Assembly ang resolusyon na nananawagan sa mga miyembrong bansa na suportahan ang pagpapatigil sa mga pagbitay sa layuning tuluyan nang tuldukan ang pagpaparusa ng kamatayan. Isang bagong resolusyon ang pinagtibay noong 2010, at inaprubahan ito ng 109 na bansa, kabilang ang Pilipinas.
Napaulat na puntirya ngayon ng Kongreso na aprubahan ang isang death penalty bill bilang bahagi ng kampanya ng gobyerno laban sa krimen, bagamat maraming awtoridad ang naniniwala na higit na masasawata ang krimen sa mas istrikto at mas epektibong pagpapatupad ng batas kaysa pagpaparusa ng kamatayan.
Anuman ang mangyari, dapat na handa tayo — sakaling dumating ang panahong sinimulan na natin ang pagbitay sa sarili nating mga bilanggo — na hindi na natin maaaring iapela pa ang ating mga Jakatia at ating mga Mary Jane na nahahatulan ng kamatayan sa ibang bansa. Gaya ng binigyang-diin ni Bishop Santos, mawawalan na tayo ng moral na awtoridad na humingi ng kapatawaran para sa kanila.