ANG Autonomous Region in Muslim Mindanao ay tahanan ng naggagandahang tanawin, ngunit dalawang lugar na pinangyarihan ng malalagim na trahedya ang sorpresang umaakit ng mga bisita—ang pinangyarihan ng 2009 Ampatuan Massacre at ang 2015 Mamasapano attack.
Inihayag ni Autonomous Region in Muslim Mindanao Tourism Secretary Ayesha Mangudadatu-Dilangalen na ang mga lugar ng insidente ang nagbigay-daan para mabuo ang ideya sa pangangasiwa ng “hazard tourism”, o ang itampok sa mga turista ang mga pinangyarihan ng labanan at karahasan.
Sinabi ni Dilangalen na nasorpresa sila na patuloy na bumibisita ang mga tao at kumukuha ng litrato sa Ampatuan o Maguindanao massacre at sa Mamasapano sites.
Kasama sa plano nila ang magtatag ng tourism center na tatanggap sa mga bisita.
Simula nang mangyari ang Maguindanao massacre sa bayan ng Ampatuan noong Nobyembre 23, 2009, sa kalagitnaan ng paghahain ng certificates of candidacy (COCs) para sa eleksiyon noong 2010, madalas na binibisita ito ng mga tao mula sa ibang mga probinsiya at lungsod.
Dito nakalibing ang halos 34 na mamamahayag na pinatay sa masaker.
Samantala, sa Barangay Tukanalipao sa Mamasapano, Maguindanao naman namatay ang 44 na miyembro ng Special Action Force ng pulisya na nagsagawa ng operasyon na tinatawag na “Oplan Exodus” noong Enero 25, 2015.
Bukod sa dalawang lugar, ibinahagi rin ni Dilangalen na iminumungkahi nila ang pagbubukas ng mga kampo ng Moro Islamic Liberation Front at Moro National Liberation Front para sa mga tour package.
“Curious ang mga tao at gusto nilang makita ang mga kampong ito,” aniya.
“Pero bigyan natin sila muna ng chance,” ani Dilangalen, idinagdag na iminungkahi pa lamang ito sa dalawang organisasyon para makapagbigay na ibang uri ng hanapbuhay sa mga pamilya ng Moro Islamic Liberation Front at Moro National Liberation Front.
Sinabi ni Dilangalen na nais nila na alagaan ng Moro Islamic Liberation Front o Moro National Liberation Front ang mga bisita kapag nasa loob ng kanilang mga kampo.
Nang tanungin kung ano ang tugon ng dalawang organisasyon tungkol sa kanilang mungkahi, inilahad ni Dilangalen na naging bukas naman sila para rito. Umaasa rin sila sa kooperasyon ng Philippine National Police at ng militar.
“Hindi lang puro opensiba,” aniya sa isang panayam nitong Lunes.
Ayon sa kanya, tungkulin ng pulisya at militar na tiyakin ang kabuuang seguridad sa lahat ng lugar.
Sa pangkalahatan, ibinahagi ni Dilangalen na nakatanggap ng mas maraming bisita ang Autonomous Region in Muslim Mindanao kada taon. Noong 2016, nakapagtala ang Autonomous Region in Muslim Mindanao ng halos tatlong milyong bisita at pinakamarami ang dumayo sa Tawi-tawi. (PNA)