WALO sa 10 Pilipino ay nagnanais na igiit ng Duterte government ang karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea (South China Sea). Batay sa Pulse Asia survey, lumalabas na 84% sa mga tinanong (respondents) ay nagpahayag ng masidhing hangarin na ma-uphold ang karapatan ng ating bansa sa WPS-SCS alinsunod sa desisyon ng United Nations Permanent Court of Arbitration noong Hulyo 2016 sa The Hague, Netherlands. Gusto ng mga mamamayan na sundin ni Mano Digong ang kapasiyahan ng arbitral tribunal.
Tatlong porsiyento lang sa respondents ang kontra rito samantalang 12% ang ambivalent o walang alam sa isyu ng WPS.
Labis ngang nagtataka ang sambayanang Pilipino kung bakit parang pinapanigan pa ni PDu30 ang China gayong maliwanag na talo ito sa pinangangalandakang “nine-dash line” na sumasaklaw sa kabuuan ng WPS. Patuloy ito sa pag-okupa sa mga reef na saklaw ng ating Exclusive Economic Zone (EEZ), at noon ay hinaharang pa ang mga Pilipinong mangingisda na daan-daang taon nang nangingisda roon.
Sa galit niya kay ex-US Pres. Barack Obama dahil nais nitong tanungin o suriin ang inilulunsad niyang giyera sa ilegal na droga, minura niya ang unang Black President, at nilahat ang pagkagalit sa buong US. Nagalit din siya kay Ban Ki-moon ng United Nations at maging sa EU dahil nais nilang malaman kung may extrajudicial killings at human rights violations sa kanyang war on drug. Naging mabait siya sa China kahit patuloy ito sa pag-okupa sa teritoryo natin sa karagatan.
Sa asar ni PDu30 sa US, UN at EU, nag-pivot (nagbaling) siya sa China at Russia, dalawang bansang tradisyunal na karibal ni Uncle Sam. Panibagong pagtataka ang nadarama ng mga Pinoy sa desisyong ito ni PRRD sapagkat batay sa survey ng Pulse Asia at Social Weather Station, malaking bilang ng mga Pinoy ang higit na may trust o paniniwala sa US kesa China at Russia na “kinahuhumalingan” ngayon ng ating Pangulo.
Sabi nga ng mga tao, dapat tandaan at unawain ng Presidente na mas maraming Pilipino at Fil-Am (may apat na milyon) ang naninirahan sa US. Ilan ba ang mga Pinoy ang naninirahan o nagtatrabaho sa China o nasa Russia? Tandaan din na ang US ang unang tumutulong kapag may kalamidad, krisis at iba pang problema ang PH.
Siyanga pala, pinayuhan ni Vice Pres. Leni Robredo ang mga milennial o kabataan ngayon na maging matalas, matalino, mapanuri sa mga impormasyong lumalabas sa Internet upang hindi maging biktima ng false news o mga inimbentong balita.
(Bert de Guzman)