Arestado ang apat na bilanggo na nagtangkang tumakas sa nangyaring sunog sa Navotas City, nitong Lunes ng gabi. Aabot sa 20 barung-barong ang naabo.

Ayon kay Sr. Supt. Dante Novicio, Navotas Police chief, sinubukang tumakas ng apat na drug suspect na nakapiit sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Navotas, sinabing sinamantala nila ang sunog.

Ang mga bilanggo na nagtangkang tumakas ay sina Adrian Palomo, 37; Ernesto Dela Cruz, 38; Percival De Jesus, 31; at Warren Martinez.

“The four drug suspects detained at the BJMP facility took advantage of the situation. They tried to escape,” pahayag ni Novicio sa Balita.

Probinsya

Lalaking nahaharap sa 26 rape cases, arestado!

Lumalabas sa imbestigasyon na dakong 8:00 ng gabi, nagsimulang masunog ang isang mataong lugar na malapit sa pasilidad ng BJMP sa Navotas. Nakabukas umano ang gate ng kulungan upang iligtas ang mga bilanggo na nakulong sa loob ng pasilidad.

Ayon sa mga saksi, nang makita nilang tumatakas ang apat na bilanggo, agad nila itong ipinaalam sa mga awtoridad.

Sinabi ni Novicio na inabot sila ng 30 minuto bago tuluyang nadakip ang mga suspek. Aniya, nagtago ang mga ito sa likod ng pader malapit sa BJMP.

Samantala, tuluyang naapula ang apoy, umabot sa ikalimang alarma, dakong 11:00 ng gabi. (JEL SANTOS)