Handa si Pangulong Rodrigo Duterte na kalingain ang mga refugee sa bansa kasunod ng desisyon ng United States na pansamantalang isara ang mga hangganan nito sa mga tumatakas sa digmaan.
Gayunman, hihilingin muna ng Pangulo ang pahintulot ng Kongreso kaugnay sa posibilidad ng pagpapasok sa mga refugee sa bansa.
“In the name of humanity and God, we will have to make some adjustments. If there is a compelling reason for us to offer sanctuary, I’m one of those na okay lang ako,” sabi ni Duterte sa press conference sa Palasyo nitong Linggo ng gabi.
“If they cannot go anywhere anymore except to face death by hunger...driven out to the sea, we will consider it but it has to be with the concurrence of Congress,” dagdag niya. “Nakakaawa.”
Sinabi rin ng Pangulo na iginagalang niya ang desisyon ni US President Donald Trump na pigilin ang pagpasok ng mga dayuhan at refugee sa kanyang bansa.
“Trump said ‘I will not interfere in the affairs of other countries.’ Now, kung may mga policies siya to protect his country, I will understand,” anang Pangulo, ginunita ang naging usapan nila sa telepono noon ni Trump.
“So out of respect for his statement, I can only answer in the manner he has told me. Hindi ako makialam,” aniya pa.
Umapela si Duterte sa mga Pilipino na “overstaying” na sa United States na umuwi at hindi niya sila tutulungan kapag sila ay nahuli.
“If you are not allowed to stay there, you’re overstaying, get out. Because if you are caught and deported, I will not lift a finger. You know it is a violation of the law,” sabi ni Duterte. (GENALYN D. KABILING)