WALANG kahulilip na kasiyahan ang natitiyak kong nadarama ngayon ng 127 bilanggo na nakatakdang palayain ni Pangulong Duterte alinsunod sa rekomendasyon ng Department of Justice (DoJ); pagkatapos matiyak na sila ay karapat-dapat sa pagpapatawad o executive clemency ng Pangulo.

Ang ganitong presidential pardon ay nakagawian nang ipinagkakaloob hindi lamang ng kasalukuyang administrasyon kundi maging ng nakalipas na liderato. At ito ay laging ibinabatay sa kalagayan ng mga bilanggo – kung napagdusahan na nila ang sentensiya o hatol sa kanilang pagkakasala, kung sila ay may malubhang karamdaman, at kung sila ay nagpamalas ng mainam na kilos at pag-uugali sa panahon ng kanilang pagkakabilanggo.

Naniniwala ako sa panawagang laging binibigyang-diin ng isang welfare group: ang isang bilanggong umabot na sa 80 o higit pang taong gulang ay marapat lamang pagkalooban ng absolute pardon o lubos na kapatawaran; lalo na nga ang halos nakalupasay na sa kani-kanilang karsel. Gayundin ang nakapagsilbi na sa kanilang hatol na 40 taon.

Kabilang sa 127 palalayaing preso ay magmumula sa New Bilibid Prison (NBP), Correctional Institution for Women at mga penal colony na pinamamahalaan ng Bureau of Corrections (BuCor). Dalawa sa mga ito ay pagkakalooban ng absolute pardon, 100 ang binabaan ng sentensiya o commutation of sentence. Kabilang din dito ang 30 iba pa na inirekomendang palayain noong panahon ni Presidente Aquino subalit sinasabing hindi naaksiyunan; dahilan ito ng pagkaunsiyami ng kanilang pangarap na makalabas sa mala-impiyernong selda.

Ka-Faith Talks

#KaFaithTalks: Sa lahat ng ‘hindi ko na kaya,’ nanatili Siyang tapat

Ang makataong pagsusuri sa kalagayan ng mga bilanggo ay marapat lamang lalong paigtingin. Sa paminsan-minsan nating pagdalaw sa mga kakilala at kamag-anak na nakabilanggo, kapuna-puna ang tila mahimalang pagbabago ng kanilang mga kilos. Nangangahulugan na masyado nilang pinagsisihan ang kanilang pagkakasala na bunsod ng silakbo ng mapusok na damdamin. Bahagi sila ngayon hindi lamang ng pagbabago ng kilos kundi, higit sa lahat, pagbabagong espirituwal.

Nakaukol ang malaking bahagi ng kanilang oras sa paglahok sa mga prayer session.

Sa mga penal colony,... halimbawa, karamihan sa kanila ay abala sa pagsusulong ng mga programang pangkabuhayan – pagtatanim ng gulay at pag-aalaga ng mga hayop at iba pa.

Totoo na laging may pag-aatubili sa alinmang administrasyon na magkaloob ng pardon o executive clemency sa mga preso, lalo na ngayon na ang mismong NBP ay pinamumugaran ng sangkot sa kasumpa-sumpang problema sa bawal na droga. Marapat ang tunay na pagsusuri sa katauhan ng mga bilanggo.

Sa anu’t anuman, natitiyak ko na ang palalayaing 127 preso ay makauuwi na hindi sa bahay – at lalong hindi sa bilangguan – kundi sa kani-kanilang mga tahanan na pinamumugaran ng nagkakaunawaan at nagmamahalan nilang mahal sa buhay. (Celo Lagmay)