ROSALES, Pangasinan – Nasa Cagayan ang pinakabatang nahawahan ng human immunodeficiency virus (HIV)—isang taong gulang lamang.
Sa report ng Cagayan Information Office, kinumpirmang isang taong gulang pa lamang ang pinakabatang nagpositibo sa HIV sa bansa.
Nahawa ang batang taga-Cagayan Valley sa pagbubuntis ng kanyang ina na HIV positive rin.
Ang bata ang huling nadagdag sa 88 kaso ng HIV at Acquired Immuno Deficiency Syndrome (AIDS) sa Region 2.
Una nang inihayag ni Dr. Guia Cumillas, ng Department of Health (DoH)-Region 2, na 85 sa mga kaso ng HIV-AIDS sa Cagayan ay nakuha sa pagtatalik ng kapwa lalaki.
Anim sa mga pasyente ang nasa final stage na at nakitaan na rin ng panghihina ng immune system.
Pinakamaraming naitalang kaso ng HIV-AIDS ang DoH-Region 2 sa Isabela na may 42, kasunod ang Cagayan, 31; Nueva Vizcaya, 14; at Quirino na may apat na kaso. (Liezle Basa Iñigo)