CALASIAO, Pangasinan - Masusing iniimbestigahan ngayon ng pulisya ang brutal na pagpatay sa negosyanteng ama ng isang dating reporter ng GMA News Dagupan na natagpuang naliligo sa sariling dugo sa loob ng sasakyan.

Kinilala ni Supt. Charles Umayam, hepe ng Calasiao Police, ang biktimang si Rolando Victorio, 62, negosyante, at taga-Barangay Bonuan Gueset, Dagupan. Ang biktima ay ama ni Charrise Victorio, dating reporter ng Balitang Amianan, ang regional news broadcast ng GMA.

Nagtamo si Victorio ng mga saksak sa leeg at dibdib at nalagutan ng hininga matapos isugod sa Pangasinan Provincial Hospital.

Dakong 8:00-9:00 ng gabi nitong Sabado nang madiskubre ang inabandonang sasakyan ng biktima sa gilid ng kalsada sa Sitio Nansangaan, Bgy. Mancup, Calasiao.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Ayon sa ilang testigo, isang babae at isang lalaki na nakitang bumaba mula sa sasakyan ng biktima at sumakay sa tricycle patungo sa San Carlos City bago natagpuan ang biktima.

Pinag-aaralang mabuti ng pulisya kung may kinalaman sa negosyo o personal ang dahilan sa pamamaslang sa biktima.

(Liezle Basa Iñigo)