“THE proceedings are running on parallel tracks,” sinabi kamakailan ni Presidential Spokesman Ernesto Abella, bilang tugon sa mga ulat ng umano’y mga pang-aabuso sa ilang operasyon ng pulisya laban sa banta ng ilegal na droga sa bansa.
Sa isang panig, aniya, ay ang pangako ng Pangulo na poprotektahan ang mga pulis na nagpapatupad ng kampanya laban sa droga. Sa kabila naman, ayon kay Abella, ay ang deklarasyon ng Presidente na hindi nito kukunsintihin ang mga pagsasamantala ng mga pulis sa nasabing kampanya at tiniyak na mapapanagot ang mga tiwaling pulis.
Ipinaliwanag ng tagapagsalita ng Malacañang ang parallel-track policy sa harap ng mga eskandalo na sinasabing nagpapakita ng paggamit ng ilang pulis sa kampanya ng gobyerno laban sa droga — ang Tokhang — upang maipatupad ang sarili nilang ilegal na operasyon.
Nang magsimula nang lumobo ang bilang ng napapatay sa nasabing kampanya ilang buwan na ang nakalipas, na umabot na nga sa 6,000 sa loob lang ng ilang linggo at karamihan ay itinurong gawa ng mga vigilante, hiniling sa Philippine National Police (PNP), sa pamumuno ng hepe nitong si Director General Ronald dela Rosa, na idetalye ang nakagugulat na estadistika sa pagdinig noong Agosto ng Senate Committee on Justice and Human Rights na noon ay pinamumunuan ni Sen. Leila de Lima.
Hanggang sa mabulgar ang pamamaslang sa negosyanteng Korean na si Jee Ick-joo sa loob mismo ng Camp Crame noong Oktubre ng mga lalaking dumakip sa kanya mula sa loob ng kanyang bahay sa Angeles City, Pampanga, at humingi ng P5-milyon ransom mula sa kanyang maybahay. Dahil dito, nagpatawag ng hiwalay na imbestigasyon ang Senado, sa pagkakataong ito ay ang Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na pinamumunuan ni Sen. Panfilo Lacson.
Sa nasabing pagdinig nitong Huwebes, nagprisinta si Lacson ng video na kuha ng CCTV (closed-circuit television) na nagpapakita sa mga pulis habang “nagtatanim” o naglalagay ng mga ebidensiya sa mga office drawer ng mga empleyado, na sinundan ng pagsalakay ng pulisya sa nasabing opisina. Nangyari ang insidente noong Oktubre, ayon kay Lacson, ngunit natakot ang mga biktima na i-report ang insidente.
Sa harap ng mga pangyayaring ito, nakatutuwang marinig ang paniniguro ni Presidential Spokesman Abella tungkol sa patas na pagtrato sa kampanya ni Pangulong Duterte laban sa droga — “Una, suportado ng Presidente ang mga operasyon ng pulisya. Ikalawa, hindi niya pahihintulutang hindi managot ang tiwali at mapag-abusong pulis.”
Mismong ang Pangulo ang humingi ng paumanhin sa South Korea at nangako ng “maximum punishment” sa mga pumaslang sa negosyanteng si Jee. Sa kanyang karaniwan nang makulay na retorika, sinabi niya sa mga salarin: “You will suffer.
Make an escape. Then I would thank the gods. Then I can maybe send your head to South Korea.”
Nagsalita na ang Presidente. Nabigyan na ng babala ang mga nais magsamantala sa kampanya kontra droga para sa pansarili nilang interes. Umaasa tayong tuluyan nang matutuldukan ang anumang masamang plano ng mga tiwaling pulis at mapigilan ang pagkakadiskaril ng kampanya ng pamahalaan kontra droga.