Nagbabala si Pangulong Rodrigo Duterte sa United States military laban sa pagtatayo ng mga permanenteng pasilidad para paglagyan ng mga armas sa bansa, at muling nagbantang kakanselahin ang defense pact sa matagal nang kaalyado.
Sinabi ng Pangulo ng ilalagay ng US ang bansa sa panganib sa mga plano nitong magtayo ng depot at mag-imbak ng mga armas sa bansa, partikular na sa Palawan, Cagayan de Oro at Pampanga.
“I'm serving notice to the Armed Forces of the United States — Do not do it. I will not allow it,” aniya sa press conference matapos makipagpulong sa mga opisyal ng militar at pulisya sa Palasyo.
Sinabi ni Duterte na nakasaad sa isang probisyon ng Philippine-US visiting forces agreement na hindi dapat magkaroon ng “permanent facilities” sa bansa.
"A depot by any other name is a depot. It’s a permanent structure to house arms… It’s not allowed by the treaty,” aniya.
Kapag itinuloy ng US ang permanent military structure sa bansa, nagbabala si Duterte na: “I will consider a review and maybe ultimately abrogate since it is an executive order, abrogate the treaty altogether.”
Ang kanyang tinutukoy ay ang kasunduan na nagpapahintulot sa rotating deployment ng US troops at equipment sa Pilipinas. Ang visiting forces agreement naman ang namamahala sa gawain ng mga tropa habang nasa bansa.
Sinabi niya na atat ang US na ipilit ng Pilipinas ang arbitration ruling na pinagtibay ang mga karapatan ng bansa sa West Philippine Sea kontra sa pag-aangkin ng China.
"You place us all in danger. You do that and I will be there when you start building,” aniya sa nakaplanong depot ng US.
Ayon sa Pangulo, nakatutok ang Chinese missiles sa “American expeditions" sa bansa. At kapag nagdeklara ang giyera, ang unang tatamaan ay ang Cagayan, Palawan at mga karatig lugar.
"G*go ba akong papayag. Oo magkaibigan tayo pero huwag mo akong idamay,” aniya.
Iginiit din niya na mas nais niyang makipag-usap sa halip na makipagdigma para maresolba ang isyu sa teritoryo. “I would not allow my people to needlessly die,” dagdag niya.
Muli rin niyang pinanindigan ang pangako kay Chinese President Xi Jinping na "we will talk about this arbitral award during my term.” Ngunit sa ngayon, ayon kay Duterte, ang pokus ng bansa ay sa pagpapabuti ng relasyon sa ekonomiya. (Genalyn D. Kabiling)