ANG pinakamalaking anomalya at pangingikil na nangyari sa maikling panahon ng panunungkulan ni Pangulong Digong ay diringgin na naman sa Pebrero 7 ng komite ni Sen. Richard Gordon. Naganap ito sa kabila ng kanyang pangako noong kampanya na susugpuin niya, bukod sa krimen at ilegal na droga, ang corruption. “This must be stopped,” wika niya.
Nangyari rin ito kahit may banta siyang may kalalagyan ang sinumang gagawa at masasangkot sa corruption.
Ang halagang pinag-uusapan sa nabukong pangingikil ay P150 milyon bilang kapalit ng pagpapalaya sa 1,617 Chinese na nahuling nagtatrabaho sa online gambling ni Chinese tycoon Jack Lam sa Fontana Resort. Ang mga Chinese ay nahuli ng Bureau of Immigration and Deportation (BID) na ang dalawa nitong associate commissioner ay siyang nadidiin sa extortion.
Kasi, sa CCTV camera ng City of Dreams, nakita sina Associate Commisioner Al Argocino at Michael Robles na tinanggap at buhat-buhat ang limang kahon na nagkakahalaga ng P10 milyon bawat isa mula sa emisaryo ni Jack Lam. Pauna umanong bayad ito sa pagpapakawala sa 600 Chinese na empleyado ni Lam.
Mainit si Justice Secretary Vitaliano Aguirre kay Sen. Antonio Trillanes at tinawag pa niya itong duwag. Pero, nasa tamang direksyon ang tinatahak ng Senador. Ang Committee on Civil Service na pinamumunuan niya ang unang mag-iimbestiga sana ng anomalya, pero dahil may takot ang mga senador na kaalyado ni Pangulong Digong na baka saan niya makaladkad ang isyu, pinagkaisahan nilang alisin sa kanya ang kaso at ibigay kay Gordon. Gayunman, sa unang pagdinig sa kaso, nakapagtanong na si Sen. Trillanes, pero pansamantala niya itong pinutol dahil umalis si Aguirre. Sa pinutol niyang pagtatanong, pinalalim ni Trillanes ang isyu. Kasi, ang nadidiin lang sa nangyaring suhulan ay sina Argocino at Robles na kaeskwela nina Aguirre at Pangulong Digong sa San Beda College of Law at brother pa sa Lex Taliones Fraternity. Hindi naniwala si Trillanes na gawa lang ng dalawa ang pangingikil.
Naniniwala rin ako na sa laki ng salaping suhol ay magkakalakas ng loob ang dalawa na gawin ang pangingikil at sarilinin at paghatian ito. Lumalabas na pinaghatian na... nila ang P50 milyon na paunang bayad sa ikalalaya ng ilang mga Chinese. Pero, P150 milyon ang lumabas na napagkayarian para sa ikalalaya ng lahat ng Chinese, kanino pupunta ang P100 milyon? Bago pa lang ang dalawa at ang relasyon nila sa Pangulo ay hindi personal. Inamin naman ni Aguirre na siya ang kumuha sa dalawa. Kaya sa nabulgar na anomalya, parang ang loyalty ng dalawa ay kay DoJ Secretary. Maging si BID Commissioner Morente ay parang walang kontrol sa dalawa. Hindi maganda na humantong lang ang imbestigasyon para papanagutin sina Argocino at Robles. (Ric Valmonte)