Na-trauma ang isang dalaga matapos holdapin ng dalawang lalaki na umano’y pinagtanungan niya ng direksiyon sa Caloocan City, nitong Linggo ng hapon.

Namumutla pa umano nang magtungo sa presinto si Lovelie Christine Salceda, 21, admin officer, ng No. 33 Virginia Street, Sto. Niño, Marikina City, upang ipa-blotter ang pangyayari.

Inilarawan nito ang mga holdaper na may taas na 5’4” at 5’8”, kapwa tinatayang nasa edad 30-35, katamtaman ang pangangatawan, ang isa ay nakasuot ng asul na t-shirt habang ang isa ay nakasuot ng itm na t-shirt at parehong nakasuot ng maong na shorts.

Ayon kay Salceda, bandang 2:00 ng hapon, naglalakad siya sa BMC Monumento, Caloocan City at nilapitan ang dalawang lalaki na nakatayo sa poste upang tanungin kung saan ang sakayan patungong Marvex Drive, Quezon City.

Probinsya

2, patay sa 'hit-and-run' ng rumagasang van sa Tayabas, Quezon

Itinuro umano ng mga suspek ang sakayan at nilakad ng biktima, ngunit wala siyang kamalay-malay na sinundan siya ng mga ito hanggang sa siya’y tinutukan ng patalim at nagpahayag ng holdap.

Sa takot, ibinigay na ni Salceda ang kanyang iPhone 6 na nagkakahalaga ng P30,000 at P2,000 cash. (Orly L. Barcala)