Binuwag ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Ronald Dela Rosa ang lahat ng anti-illegal drugs unit kaugnay ng kontrobersiya sa pagdukot sa negosyanteng Korean na si Jee Ick-joo at pagpatay dito sa loob ng Camp Crame sa Quezon City.

Matatandaang dinukot si Jee ng walong armadong lalaki, kabilang ang apat na pulis, sa Angeles City, Pampanga nitong Oktubre 18, 2016.

Ang lahat ng pulis na sinasabing sangkot sa krimen ay operatiba ng Anti-Illegal Drugs Group (AIDG) ng PNP.

Sa press conference kahapon sa Camp Crame, sinabi ni Dela Rosa sa mga mamamahayag na ang pagbuwag sa AIDG ay bahagi ng mga hakbangin ng PNP upang linisin ang pulisya sa mga tiwali.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Kasabay ng pagsuspinde sa drug war, sinabi ni Dela Rosa na ang hakbangin ay alinsunod din sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na patalsikin ang lahat ng scalawag sa pulisya bago ipagpatuloy ang kampanya laban sa droga.

At bagamat suspendido ngayon ang drug war, idineklara rin ni Duterte na pinalawig na niya ang kampanya kontra droga hanggang sa pagtatapos ng kanyang termino, o hanggang 2022, makaraang dalawang beses na niyang palawigin ito mula sa orihinal na anim na buwan.

‘INTERNAL CLEANSING’

“We have to focus our efforts towards internal cleansing. And by the time na ma-cleanse natin ang PNP, the President will determine that and he will instruct us to go back on the war on drugs. But right now, no more drug operations,” ani Dela Rosa.

Nagdiwang ng unang anibersaryo nitong Disyembre, sinabi ni Dela Rosa na bubuwagin ang AIDG sa pamamagitan ng Counter Intelligence Task Force (CITF) na pamumunuan niya mismo.

Nasa kalagitnaan ng kontrobersiya sina SPO3 Ricky Sta. Isabel at ang superior nitong si Supt. Rafael Dumlao.

“Again, not all those assigned to anti-drugs units of the PNP are bad. Unfortunately, there are bad eggs in the service but most of them are honest,” sabi ni Dela Rosa.

“I am sorry for them. Most of them are performing very well and I am very sorry for their eventual dissolution because they were just caught up with the mess. I am very sorry, but the President said we need drastic actions and this is the drastic action we are taking right now, dissolved silang lahat,” dagdag niya.

Sa ngayon, aniya, pangangasiwaan ng Philippine Drug Enforcement Unit (PDEA) ang lahat ng operasyon kontra droga.

Una nang nag-alok si Dela Rosa ng resignation kay Pangulong Duterte kaugnay ng kidnap-slay, pero tinanggihan ito ng Presidente, at sinabing wala itong maitutulong dahil mananatili ang mga aktibidad ng mga police scalawag kahit pa wala na si Dela Rosa sa PNP.

Sinabi naman ni Duterte na bubuo siya ng “narco police” command sa ilalim ng PDEA upang matukoy ang mga pulis na sangkot sa droga.

“Basta ‘yang na-reinstate (na mga pulis). Naka-kidnap na, nag-hold-up na ang mga ****a tapos may suweldo pa.

Sinuswerte kayo kung ganun! Gawain ninyo ang Pilipinas ganun? Aba, huwag panahon sa akin! You are just as lousy as the drug lords,” mensahe ni Duterte sa mga tiwaling pulis.

“Lahat ng may kaso na pulis na mga murder na previously ipaano mo, bigyan mo ako ng isang linya, ako na ang bahala sa kanila,” utos niya kay Dela Rosa.

200 SINIBAK SA QCPD

Kasabay nito, inihayag ng Quezon City Police District (QCPD) na nasibak na nito ang may 200 police scalawag bago pa ang iniutos ni Duterte na paglilinis sa hanay ng pulisya.

Sinabi ni QCPD Director Chief Supt. Guillermo Eleazar na umaabot na sa 200 pulis ang sinibak niya sa puwesto dahil sa pagkakasangkot sa iba’t ibang krimen at ilegal na aktibidad.

Dagdag pa niya, nasa 50 sinibak ang naipatapon na sa Mindanao habang ang iba naman ay nasa Camp Karingal, ang headquarters ng QCPD. (FRANCIS WAKEFIELD, FER TABOY, BETH CAMIA, ARGYLL CYRUS GEDUCOS at JUN FABON)