Dalawang bata ang nasawi habang tatlo pa ang nasugatan sa sunud-sunod na pambobomba sa Basilan, iniulat kahapon.

Batay sa report ng Western Mindanao Command ng militar, nangyari ang mga pagsabog sa Albarka at Lamitan City sa Basilan.

Ayon sa report, dakong 11:00 ng umaga nitong Linggo nang mangyari ang unang pagsabog sa Barangay Danapah sa Albarka, na sinundan ng isa pang pambobomba bandang 9:55 ng gabi sa mga barangay ng Malakas at Malinis sa Lamitan.

Kinilala ang mga nasawi na sina Niyadz Pising, 2; at Ombek Akbar, limang taong gulang.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Isinugod naman sa pagamutan ang sugatang si Suraima Akbar, 25, at ang dalawa pang kapwa apat na taong gulang, pawang residente ng Bgy. Danapah, Albarka.

Ayon sa imbestigasyon ng militar, naglalaro ang mga bata nang maapakan ang bombang itinanim sa daraanan ng mga residente.

Walang namang napaulat na nasugatan sa dalawang magkasunod na pagsabog sa Lamitan, na itinuturong kagagawan ng Abu Sayyaf Group (ASG), na hindi umano suportado ng mga residente sa lugar. (Fer Taboy)