INABOT ng 59 na laro bago nagawang putulin ng University of the East ang kanilang losing streak sa UAAP women’s volleyball tournament noong nakaraang season.
Ang panalo ay nakamit ng Lady Warriors sa kanilang huling laro kontra Adamson noong nakaraang Season 78.
Inaasahan ni UE coach Francis Vicente na ang pagkalasap ng unang panalo ay mananatili at magsisilbing inspirasyon para sa kanyang koponan upang maghangad na masundan ang nasabing tagumpay ngayong darating na Season 79.
Sisikapin ng Lady Warriors na hindi na masundan ang napakatagal na losing skid na nagsimula pa noong Season 74.
Nawala sa kanilang roster sina dating team skipper Celine Domingo na lumipat ng Far Eastern University, at ang setter na si Dana Disquitado ngunit nariyan pa rin ang mga beteranong sina Shaya Adorador, Judith Abil, Mary Anne Mendrez at Roselle Baliton na siyang papalit bilang bago nilang setter mula sa dating posisyon bilang middle blocker.
Target ng tropa ni coach Francis Vicente,na siya ring napiling coach ng national women’s team ang maiangat ang kanyang koponan sa pagiging cellar dweller.
“(‘Yung panalo to close last season) nakakadagdag sa amin ng confidence at tumaas ang morale namin. Ginagawa naming motivation ‘yun to motivate each other and to lift ang sarili naming para ‘yung goal namin maabot naming,”pahayag ni libero Kath Arado na nagwagi bilang Best Libero sa nakaraang 19th Princess cup Southeast Asian under-19 championships sa Thailand.
“Ang goal namin ay umangat kami ng hanggang pang-apat. Imposible man pero kailangan namin kasi kailangan na.”
“Sawa na kami sa dulo. Pang-ilang taon ko na po ito. Sabik na sabik nakami sa panalo,” aniya..”
Unang makakasagupa ng UE sa kanilang unang laban sa UAAP Season 79 volleyball tournament ay ang itinalagang title contender National University sa unang laro sa opening day sa Pebrero 4 sa Smart Araneta Coliseum. (Marivic Awitan)