FB_IMG_1485589101060

KILALA bilang vegetable bowl sa Norte ang Villasis, Pangasinan na ipinagdiwang ngayong Enero ang Talong Festival upang lalong maipakilala ang malawak na produksiyon ng talong at iba pang mga sangkap ng pinakbet na mga pangunahin nitong produkto.

Umaabot sa 80 porsiyento ang mga mamamayan sa Villasis na nasa agrikultura ang ikinabubuhay at masayang sila ay nabibiyayaan ng masaganang ani taun-taon.

Inihayag ni Mayor Nato Abrenica na ginawang simple ang selebrasyon ng 11th Talong Festival upang makatipid ng gastusin.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Itinampok sa masayang selebrasyon ang pinakaaabangang aktibidad ng pinakbet sa kawa ng bawat barangay, ang street dancing competition na nilahukan ng iba’t ibang paaralan at ang talong inspired Christmas decor mula sa recycled materials.

Pinakatampok ng festival nitong Enero 20 ang pagluluto ng pinakbet sa kawa na kalaunan ay pinagsaluhan ng mga residente, bisita at maging ng mga turista.

Punumpuno naman ng kasiyahan ang street dancing kinahapunan at nagbigay-saya maging sa mga biyaherong dumaraan sa Villasis sa kabila ng pansamantalang pagtigil ng mga sasakyan sa bawat performer.

Nang araw ding iyon inihayag ang nanalo sa paggawa ng Christmas decor.

Hinikayat ang publiko lalo na ang mga taga-Norte at karatig lugar na pasyalan at mamili sa bagsakan market ng Villasis upang masubukan at matikman ang mura at sariwang gulay na sangkap ng pinakbet na ipinagmamalaki ng mga Ilokano. (LIEZLE BASA IÑIGO)

[gallery ids="221827,221825"]