Dismayado si dating Senador Ramon Bong Revilla, Jr. sa pagkabalam ng kanyang mga kaso sa First Division ng Sandiganbayan matapos muling ipagpaliban ang pagdinig sa Pebrero 9 dahil sa mosyon ng prosekusyon. Una itong ipinagpaliban noong Enero 12.
“Dahil sa paghingi ng prosecution panel ng karagdagdang panahon para raw markahan ang kanilang ebidensiya at baguhin din ang pre-trial brief na lalabas sa pre-trial order, halos isang buwan naurong ang pagdinig. Tapos ngayon, humihingi na naman sila ng karagdagang apat na araw para sa pre-trial conference sa mga graft cases. Grabeng delay na ‘to,” reklamo ni Revilla.
Nakakulong si Revilla sa Custodial Center ng Philippine National Police noon pang 2014 dahil sa kasong graft. “It seems that the prosecution is preventing the truth from coming out. Halos tatlong taon na akong nakakulong pero hindi pa nag-uumpisa ang paglilitis,” diin niya. (Leonel M. Abasola)