Nalamog ang katawan ng isang ginang matapos paghahampasin, gamit ang dos por dos, ng kanyang kinakasama sa Tondo, Maynila nitong Sabado.
Kasalukuyang ginagamot sa ospital ang biktima, 52, mangangalakal, ng Sta. Cruz, Maynila habang tinutugis naman ang kanyang kinakasama, 25.
Sa ulat ng Manila Police District (MPD)- Station 2, dakong 2:00 ng hapon nangyari ang insidente sa kahabaan ng Quiricada St., sa Tondo.
Una rito, nangangalakal umano ng basura ang mag-live in partner at maya-maya pa’y sa hindi malamang dahilan ay nagtalo ang mga ito.
Sa kainitan ng pagtatalo ay bigla na lang umanong dinampot ng suspek ang namataang dos por dos at saka pinaghahampas sa biktima.
Nang makitang may umaagos na dugo sa ulo ng biktima ay kaagad nang tumakas ang suspek habang nagtungo naman sa barangay hall ang biktima upang humingi ng tulong. (MARY ANN SANTIAGO)