AYON kay Sen. Ping Lacson, incidental lang ang paghingi ng ransom ng mga pumatay sa Korean businessman na si Jee Ick-Joo. Ang talagang layunin, aniya, ng mga ito ay patayin ang Koreano na siyang aalamin sa susunod na pagdinig ng kanyang Committee on Peace and Order and Ilegal Drugs sa Pebrero 2. Pinatay daw kaagad ang biktima at pinasunog ang kanyang bangkay bago pa man humingi ng ransom ang mga pumatay.

Kung ito ang sitwasyon, na siyang hinala ni Sen. Lacson, may nagpapatay sa Koreano. Napakadaling pumatay for hire man o for ransom lalo na kung mga pulis ang gagawa nito. Kasi, sila ang inatasan ng Pangulo na magpairal ng kanyang kampanya laban sa krimen at ilegal na droga. Nasa kanilang kapritso at pamamaraan kung paano na nila gagawin ito.

Bakit hindi mo naman gagawing negosyo ang pakikidigma ng Pangulo laban sa droga, eh napakadaling kumita dito dahil takot na mapatay ang mapipili mong biktima. Walang araw na walang napapatay ang kampanya ng Pangulo laban sa droga.

Ka-Faith Talks

#KaFaithTalks: Sa lahat ng ‘hindi ko na kaya,’ nanatili Siyang tapat

Ang hindi lang kanais-nais dito ay pumapatay ka na, ang mga dukha pa ang ginagawa mong sample. Ang pagpatay sa kanila ang naghahasik ng takot sa iba na sinasamantala ng mga nais kumita tulad ng mga pumatay kay Jee Ick-Joo.

Nag-sorry daw ang Pangulo sa Korean Community dahil sa nangyari sa kanilang kababayan. Ipinangako niya na ang maximum penalty ang ipapataw sa mga pumatay sa kanya. Eh, bago maparasuhan ang mga kinalaman dito ay may pagdinig munang isasagawa. Si Sta. Isabel na isa sa lumabas na sangkot dito ay binigyan pa ng Department of Justice ng abogado. Nang humingi ng tulong ang kanyang maybahay kay Sec. Aguirre, ibinigay niyang abogado ang nasa Public Attorneys’ Office (PAO) na nasa ilalim din niya. Kuwalipikado raw ang PAO na kumatawan kay Sta. Isabel sa kabila ng kanyang Statements of Assets and Liabilities Network (SALN) ay mayroong P20 milyong pag-aari kahit kumikita lang siya ng P8,000 sa isang buwan. Kaya sa legal na kalakaran, hindi siya dapat katawanin ng PAO dahil may kakayahan siyang kumuha ng pribadong abogado.

Mapalad sina Sta. Isabel, Gen Dumlao at iba pa na umano’y sangkot sa pagpatay sa Koreano dahil binibigyan sila ng pagkakataong ipagtangol ang kanilang mga sarili. Kung hanggang saan tatagal ang pagdinig ng kanilang kaso at ... tatagal ang paghihintay ng maybahay ng Koreano at ng kanilang mga kababayan para makamit ang hustisya, ang proseso ng batas at due process ang magtatakda. Na ang mga ito ang kinamumuhian ni Pangulong Digong sa kanyang kampanya laban sa droga. Maitanong ko lang sa Pangulo: Alin ang mas grabeng pagkakasala, ang gumamit at magtulak ng droga o ang pumatay gamit ang kapangyarihan ng gobyerno upang sa magkaibang timbangan mabatid ito? Naitanong ko lang naman ito dahil ang gumagamit at tulak ng droga ay basta na lang pinapatay. (Ric Valmonte)