Uulanin ang pinakahihintay na Miss Universe 2016 pageant na gaganapin sa Mall of Asia (MOA) Arena sa Pasay City ngayong araw.
Batay sa weather advisory ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), bukod sa Metro Manila ay makararanas din ng pag-ulan sa Cagayan Valley Region at sa natitirang bahagi ng Central Luzon.
Idinahilan ng PAGASA ang umiiral na low pressure area (LPA) at buntot ng cold front na posibleng makaapekto nang husto sa Eastern Visayas, Caraga at Northern Mindanao.
Ayon sa PAGASA, huling namataan ang LPA sa layong 70 kilometro silangan ng Davao City ngunti maliit na umano ang tsansang mabuo ito bilang bagyo.
Makararanas naman ng malakas na ulan at thunderstorm ang Bicol Region at Quezon province, na posibleng magdulot ng baha at landslide. (Rommel P. Tabbad)