Sinuspinde kahapon ni Philippine National Police (PNP) Chief Director Gen. Ronald dela Rosa ang permit to carry firearms outside residence (PTCFOR) sa Pasay City at Parañaque City bilang bahagi ng seguridad para sa Miss Universe pageant ngayong umaga.

Tanging mga pulis, sundalo at iba pang tauhan ng mga law enforcement agency ang pahihintulutang magbitbit ng armas simula kahapon hanggang 12:00 ng hatinggabi ngayong Lunes, Enero 30, ayon kay Chief Insp. Kimberly Molitas, tagapagsalita ng National Capital Region Police Office (NCRPO).

“But there are also conditions even for oir law enforcers for them to carry firearms and that is they ahould be in proper uniform and that they should be on duty,” paglilinaw naman ni Molitas.

Maglalagay din ang NCRPO ng mga checkpoint sa ilang bahagi ng Metro Manila, partikular na sa Pasay at Parañaque, na ipatutupad naman ng mga ground commander.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

MANILA BAY, BANTAY-SARADO RIN

Aabot naman sa 150 tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG), Philippine Navy at PNP Maritime Group ang magpapatrulya sa Manila Bay sa palibot ng Mall of Asia Arena sa Pasay, habang nasa 18 watercraft ang naka-deploy, kabilang ang mga aluminum at rubber boat, at maging mga patrol at fast craft.

Dagdag pa ni PCG Commander Armand Balilo, 20 deployable response group ng ahensiya, na may 115 tauhan, ang nakaabang naman sakaling kailanganin pa.

Idineklara ring “no sail zone” ang bahagi ng Manila Bay na malapit sa MOA Arena, samantalang bantay-sarado rin ang Baywalk hanggang sa Parañaque.

ZERO INCIDENT

Sinabi ni NCRPO Chief Director Oscar Albayalde na target nila ang “zero incident” sa huling aktibidad ng Miss Universe—ang pagpuputong ng korona sa hahalili kay 2015 Miss Universe Pia Wurtzbach.

“We have conducted dry run to establish to complete attention to the security tasks as well as the proper posting of the police officers to secure the venue,” ani Albayalde. “We also panel the venue at least three times a day because different crews are in and out of the venue to set up.”

Kasabay ng pag-activate sa Security Task Force “Miss Universe 2016”, muling iginiit ni Albayalde na walang direktang banta sa pageant, ngunit hindi nagkakampante ang NCRPO. (aaron Recuenco, bella Gamotea at beth Camia)