Valeria Piazza,Maxine Medina,Izabella Krzan

HANDA na ang entablado para sa 65th Miss Universe beauty pageant na gaganapin sa SM Mall of Asia Arena simula ngayong alas-8:00 ng umaga.

Walumpu’t anim na dilag ang magpapabonggahan para makuha ang titulo at korona na babago sa takbo ng kanilang buhay.

Sinabi ni Tourism Secretary Wanda Corazon Teo na imbitado sa three-hour show si Pangulong Rodrigo Duterte. Ngunit hanggang kahapon ay hindi pa nagkukumpirma ang chief executive kung ito ay dadalo, aniya.

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

“In-invite namin, ‘binigay na ang ticket pero walang advise. Alam mo naman si Presidente last minute, eh, kung magdecide,” sabi ni Teo sa panayam ng DZMM noong Linggo.

Itinalaga ang 1,858 pulis upang tiyakin ang seguridad sa coronation rites, ayon kay National Capital Region Police Office Chief Director Oscar Albayalde.

Ilang araw pa bago sumapit ang big day, sold out na ang tickets para sa beauty pageant na nagkakahalaga ng P2,000 hanggang P50,000, sabi ng organizers.

Ang kinatawan ng bansa na si Maxine Medina ay umaasang masusungkit ang back-to-back title matapos mapanalunan ni Pia Alonzo Wurtzbach ang ikatlong korona para sa Pilipinas sa Las Vegas, Nevada noong Disyembre 2015.

Sa tatlong araw na preliminary interviews, swimsuit at evening gown presentation show pinili ang semi-finalists na tutukuyin sa final event at magpapatuloy sa paglaban sa swimwear, evening gown, final question at final look.

Ihahayag din ang Top 12 semifinalists sa finals ngayon. Ngunit ayon sa mga ulat, ang 13th spot ay ibibigay sa kandidata na tumanggap ng pinakamalaking bilang ng fan votes.

Sa Miss Universe 2016, ang nakagawiang Top 15/16 ay ibinaba sa Top 12 para maglaban-laban sa swimsuit competition.

Muli silang babawasan para Top 9 na lamang ang matira, na maglalaban-laban naman sa evening gown competition.

Pilipiin ang Top 6 para sa question and answer at Top 3 para sa final look competition.

Ang winner ng Miss Universe ay kaagad na lilipat sa isang luxury apartment sa New York City, na magiging tahanan niya sa panahon ng kanyang panunungkulan at habang bumibiyahe sa iba’t ibang bahagi ng buong mundo, upang isulong ang kanyang mga adhikain o mga adbokasiya at lumikom ng pondo para sa kawanggawa.

Tatanggap din ang winner ng year-long salary; all paid living expenses; personal appearance wardrobe at styling ng official Miss Universe Organization fashion stylist; extensive international at domestic travel; at access sa iba’t ibang New York City events kabilang na ang casting opportunities, movie premieres, fashion week, sporting events at career opportunities na ipiprisinta ng isa sa world’s largest and most dynamic entertainment agencies, ang WME|IMG na parent company ng The Miss Universe Organization. (ROBERT R. REQUINTINA)