ANG pagbitay sa isang overseas Filipino worker (OFW) sa Kuwait nitong Miyerkules ay isang malupit na paalaala sa atin na mayroong 88 Pilipino ngayon na nakapila sa death row sa iba’t ibang bansa sa mundo. Kabilang sila sa nasa 7,000 nakapiit sa iba’t ibang krimen sa bansang dinayo nila para maghanapbuhay.
Si Jakatia Pawa ay isang 41-anyos na single mother sa dalawang bata mula sa Zamboanga Sibugay na nagtrabaho bilang domestic helper sa Kuwait. Noong 2007, inakusahan siya ng pagpatay sa anak na babae ng kanyang amo sa pamamagitan ng paulit-ulit na pagsaksak dito habang natutulog. Iginiit ni Jakatia na inosente siya, sinabing isang kaanak ng biktima ang pumaslang dito makaraang matuklasan na may bawal itong relasyon sa isang kapitbahay. Iprinisinta sa kanyang depensa ang ebidensiyang nagkukumpirma na wala ang kanyang DNA sa patalim na ginamit sa krimen.
Sa simula pa man ay ipinagtanggol na siya ng Department of Foreign Affairs. Umapela ang Embahada ng Pilipinas sa pamilya ng biktima sa isang liham ng paghingi ng kapatawaran, pero nabigo ito. Tumanggi rin ang pamilya sa alok na “blood money”. Hinatulan ng Criminal Court si Jakatia noong 2008, kinatigan naman ng Court of Appeals ang desisyon noong 2009, at tuluyang pinagtibay ng Korte Suprema ang pagbitay sa kanya noong 2010. Ipinatupad ito ng Kuwait sa pamamagitan ng pagbigti nitong Miyerkules ng umaga.
Wala pang dalawang taon ang nakalipas, noong Abril 2015 ay isa pang Pilipina — si Mary Jane Veloso ng Nueva Ecija — ang hinatulan ng kamatayan sa Indonesia dahil sa pagpapasok ng ilegal na droga sa nasabing bansa. Itinakda ang pagbitay sa kanya ngunit pinakinggan ni President Widodo ang mga apela ng mga opisyal ng gobyerno ng Pilipinas at ipinagpaliban ang pagbitay, nakasalalay sa magiging resulta ng paglilitis ng Pilipinas sa sinasabing mga nambiktima kay Mary Jane. Nananatili pa rin siya sa death row ng Indonesia hanggang ngayon.
Patuloy tayong makababasa ng mga kuwento tungkol sa ating mga OFW, gaya nina Mary Jane at Jakatia, sa mga susunod na taon dahil napakarami ngayong OFW ang nagkaroon ng gusot sa bansang kanilang dinayo para sa trabaho. Para sa kanila, dapat na panindigan ng gobyerno ang pagtulong sa kanila sa pamamagitan ng DFA, pagkalooban sila ng sapat na ayudang legal at tiyaking napoprotektahan ang kanilang mga karapatan.
Sa ngayon, mayroong 2.5 milyong Pinoy na nagtatrabaho sa ibang bansa, sangkatlong bahagi nito ay mga unskilled laborer. Inaasahan nating darating ang panahon na mangingibang-bansa ang mga Pinoy dahil lamang gusto nila, hindi dahil kinakailangan ito.