ANG mga tiwaling pulis ay nararapat na IBANGKO (benched), katulad ng ginagawa ng mga basketball coach sa kanilang mga alaga na ‘di maganda ang ikinikilos sa laro upang ‘di na magkapagkalat at makahawa sa kilos ng mga kasamahan niya sa court. May mga pagkakataon pa nga na ‘yung ibang sobrang garapal ang ginagawa, gaya nang pagbebenta ng laro, ay agad isinasailalim sa “Banned For Life” para maging halimbawa sa ibang manlalaro at ‘di madungisan ang laban.

Kung isa-isa nating sasaliksikin ang mga nakaraang kaso ng mga alagad ng batas na ngayon ay nababanggit ang mga pangalan sa malalaking kaso ng katiwalian sa hanay ng Philippine National Police (PNP)—lalo pa sa napakainit ngayong paksa na “TOKHANG FOR RANSOM” na unang nabanggit sa kolum na ito— walang dudang magugulat kayo dahil sangkot na rin ang mga pangalang ito sa dati pang naglalakihang kaso na kagaya rin halos ng kinasasangkutan nila ngayon.

Kung testigo ka, paano ka magkakaroon ng lakas ng loob na lumutang kung makikita mo na ‘yung mga pangunahing suspek sa krimen ay labas-masok lang sa mga kampo ng pulis, partikular na sa Camp Crame, at sa halip na RESTRICTED TO BARRACKS ay pagala-gala pa sa labas ng kampo at masasalubong mo pa ang mga kaututang-dila ay mga opisyal na may mga insignia ng ARAW at BITUIN sa balikat.

Iba nga lang ang mga paraan nila noon sa paggawa ng kabulastugang ito kumpara sa pamamaraan nila ngayon na nakaangkla sa pakikidigma sa ilegal na droga na inilunsad ni Pangulong Rodrigo Duterte sa simula pa lamang ng kanyang pamamahala, kaya malinis nilang nagagawa ang mga kahayupang ito na ngayon ay biglang nagkulapol ng putik sa gumaganda na sanang imahe ng PNP.

Ka-Faith Talks

#KaFaithTalks: Sa lahat ng ‘hindi ko na kaya,’ nanatili Siyang tapat

At ito ang siste, kapag nakaramdam naman na tagilid na sila sa Camp Crame dahil parang “isasakripisyo” na sila sa kaso ng kanilang mga PATRON, ay bigla na silang maglalahong parang bula at magkakaroon ng MANHUNT laban sa kanila—‘di naman magtatagal ay biglang lulutang ang mga ito sa... headquarters ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil may iba na silang kuwento.

Sa palagay ko, umpisa pa lamang ang pagsingaw ng mga bahong ito. Marami pang magiging akusasyon na lalabas, marami na kasing magkakaroon ng lakas ng loob na ibahagi sa mga nag-iimbestiga ang mga ebidensiyang laman ng kanilang mga cell phone, mga nahagip ng closed-circuit television (CCTV) camera sa kanilang mga lugar, at mga kuwento ng mga taong may personal na nalalaman sa mga kontrobersiyal na pangyayaring matagal na rin nilang kinikimkim dahil sa takot sa mga pulis na alam nilang nasa likod ng mga krimeng ito.

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)