MAHIGPIT na pinabulaanan ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro “Ted” Bacani na siya ay may dalawang asawa tulad ng alegasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
“Kahit isa ay wala akong asawa. Sino man ang nagsabi na ako’y may dalawang asawa, ilabas nila kahit isa man lang,” hamon ng Obispo. “Poor guys who can use lies versus truth”, patama ito ni Bacani kay Mano Digong na umaming may dalawa siyang asawa (at posibleng may iba pang mga babae dahil siya ay isang ladies’ man).
Nagalit si Pres. Rody sa pagbatikos ng Simbahang Katoliko tungkol sa kanyang madugong giyera sa ilegal na droga na ipinangakong tatapusin sa loob ng 3 hanggang 6 na buwan. Binira at pinagmumura ng Pangulo ang ilang pari at obispo na umano’y mga tiwali, marurumi at hindi tumutupad bilang alagad ng Diyos. Nanghingi pa raw ng mga sasakyang Pajero at SUVs noong panahon ni Gloria Macapagal-Arroyo.
Sa isang punto, partikular na binanatan niya si Bacani, na magaling umanong magsermon at pumuna sa kanyang paglaban sa ilegal na droga, pero may dalawa namang asawa na kapareho niya. Ayon kay Bacani, kung si PDu30 ay hindi lang Pangulo na may immunity from criminal suits, kinasuhan niya ito ng defamation at libelo.
Dagdag pa ng Obispo:”I pity him. Parang sira-ulo. I pray for him.” Sa kanyang talumpati sa World Apostolic Congress on Mercy na ginanap sa ating bayan, pinuna ni Bacani ang patuloy na pagdami ng napapatay na tao, drug pushers, users.
Tinawag niya ang Philippine National Police (PNP) bilang “bringer of death.” O sa payak na salita ay “Berdugo”. Di ba si ex-Army Gen. Jovito Palparan ay akusado rin bilang isang “butcher” o berdugo noon?
Bilang ganti, tinira siya ni Mano Digong sa harap ng mga kaanak ng PNP SAF 44 sa Malacañang. “P---inang Bacani ‘yan, dalawa pala ang asawa. Pareho ko. Parang mayor din ang buang. Tapos kung magsalita ang mga unggoy na ito ‘t---ina.”
Gayunman, isang araw matapos murahin at insultuhin ang mga pari at obispo at paratangan ang Simbahan bilang mapagkunwari (hyprocite), tinawagan niya ang publiko na balewalain at huwag intindihin ang kanyang pagkagalit (outbursts). “Hindi ako talaga, huwag kayong mag ano diyan sa outburst ko. Ganun talaga ang pagkatao ko,” malamig na ang ulo ni PDu30 nang tingnan niya ang housing units para sa mga survivor ng Typhoon Yolanda sa Tacloban City, Leyte.
Para sa mga mamamayan, parang lihis at hindi tama ang panlalahat ng Pangulo sa Simbahan o sa sino mang indibiduwal, grupo na kinabubuwisitan niya. May pagkakamali ang ilang pari at obispo, pero hindi nangangahulugan na mali ang buong Simbahan. Papaano naman kung lalahatin din ng taumbayan at mga kalaban niya sa pulitika na corrupt at berdugo ang buong PNP dahil sa ilang tiwali at tarantadong... pulis na sangkot sa droga, pagpatay, pagdukot-pagsakal sa isang Korean businessman?
Papaano kung lalahatin din ng publiko ang kanyang administrasyon na tiwali at mabaho dahil sa pagkakasangkot sa suhulan ng ilang deputy commissioners ng Bureau of Immigration and Deportation kay Jack Lam? Kung may katiwalian sa isang ahensiya ng gobyerno, hindi nangangahulugan na tiwali at corrupt ang buong ahensiya.
Ang “multo” ng Mamasapano tragedy (Maguindanao) na ikinamatay ng SAF 44 ay patuloy sa paglitaw. Rerepasuhin ng Truth Commission na pinalilikha ni Mano Digong ang tungkol sa culpability ni ex-Pres. Noynoy Aquino. Inamin ng liderato ng PNP na sinasamantala ng mga “scalawag” sa kanilang hanay ang garantiya ni PDu30 na poprotektahan sila sa operasyon sa illegal drugs. Nagiging matapang, marahas at lantarang binabaril at pinapatay ng mga pulis ang pinaghihinalaang pushers at users. Nitong huli, ginagamit pa ang maskara ng Operation Tokhang upang mandukot ng mga negosyante at mayayaman para ipatubos ng milyun-milyong piso! Ano na ang nangyayari sa PNP na ang motto ay, “To Protect and To Serve”? (Bert de Guzman)