NANG pumuwesto sa ikaapat si Venus Raj noong Miss Universe 2010, sa wakas ay natuldukan na niya ang ilang dekada nang pagkauhaw ng Pilipinas sa pagkilala ng prestihiyosong patimpalak, at simula noon ay napansin at naging popular na ang bansa sa mga pageant.
Sa mga sumunod na taon, bumawi ang Pilipinas sa pagkauhaw nang sunud-sunod na mapanalunan ng bansa ang mga titulo sa mga pandaigdigang patimpalak, at ito marahil ang dahilan kaya iginawad sa bansa ang oportunidad na pangasiwaan ang 2016 Miss Universe.
Sa limang magkakasunod na taon, pumupuwesto ang Pilipinas sa Top 10 ng Miss Universe, hanggang tuluyang maiuwi ni Pia Wurtzbach ang korona noong 2015, sa labis na kaligayahan ng mga Pinoy na matagal nang nahuhumaling sa mga pageant.
Kinoronahan din ang gandang Pinay sa iba pang mga prestihiyosong beauty pageant, ang huli ay si Kylie Verzosa na itinanghal na 2016 Miss International.
Ngunit ano nga ba ang mayroon sa mga Pinay beauty queen upang mamayagpag sila sa mga pageant sa nakalipas na mga araw? Mayroon bang “winning formula”?
Naniniwala si Mark Andrew Francisco, ng online pageant site na Missosology.org, na ang matinding determinasyon at hindi matatawarang pagsisikap ang natatangi sa mga Pinay kung ikukumpara sa iba pang mga kandidata.
Walang aktuwal o eksaktong paraan kung paano hinahasa ang isang perpektong beauty queen, aniya. Ito ay resulta ng puspusang training, suporta ng sariling mga kababayan, at matinding determinasyon, ayon kay Francisco.
Karamihan sa mga Pinay beauty queen ay sumailalim sa ilang taong tuluy-tuloy na pagsasanay hanggang sa tuluyang mapansin sa pandaigdigang entablado. Taong 2012 sinimulan ni Wurtzbach ang pagsasanay sa Binibining Pilipinas at tatlong taong sumali sa patimpalak hanggang sa masungkit niya ang korona ng Bb. Pilipinas-Universe.
Dahil sa tagumpay ng mga Pinay sa mga patimpalak, sinabi ni Francisco na nagpasimula ang Pilipinas ng bagong mga pamantayan sa mundo ng pagandahan.
Kaya naman mismong mga dayuhang nais maging beauty queen ang nagsasanay dito sa bansa para lumahok sa mga pandaigdigang patimpalak.
Sinabi ni Francisco na kinukuha ng mga dayuhang kandidata ang serbisyo ng mga beauty camp sa Pilipinas para sa sarili nilang training. Inihalimbawa niya ang mga pambato sa Miss Universe ng Myanmar, Thailand, Guam, Great Britain, at Sweden sa mga nagsanay sa Pilipinas. (PNA)