BUTUAN CITY – Nasa 11,277 pamilya o 52,147 katao ang apektado ng matinding pagbabaha sa iba’t ibang panig ng Caraga Region dahil sa tuluy-tuloy na buhos ng ulan na dulot ng tail-end of a cold front at low pressure area (LPA).

Sinabi ni Regional Director Mita Chuchi G. Lim, ng Department of Social Welfare and Development (DSWD)-13, na ilan sa mga binaha ay nagsiuwi na sa kani-kanilang bahay nitong Enero 23, ngunit nagbalikan din sa mga evacuation center nitong Sabado ng madaling araw makaraang muling bumuhos ang malakas at tuluy-tuloy na ulan nitong Sabado dahil sa LPA.

Aniya, may 9,277 pamilya o 43,074 katao ang tumutuloy sa 160 evacuation center sa iba’t ibang panig ng rehiyon, partikular na sa Agusan del Sur at Butuan City, habang ang iba pa ay nakituloy muna sa kani-kanilang mga kaanak o kaibigan na hindi apektado ng baha.

Sinabi ni Lim na may kabuuang 15,600 food pack na ang nakahanda sa mga pinakaapektadong lugar sa rehiyon, habang 13,128 family food pack (FFP) ang nakatakdang ipamahagi sa iba’t ibang lokal na pamahalaan.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

Samantala, isinailalim na sa “red alert” status ang Caraga Region, partikular na ang mga probinsiya ng Agusan at ang Butuan City matapos na tumaas ang tubig sa Agusan River simula pa nitong Sabado dahil sa pag-uulan.

Kaagad namang pinakilos ni Agusan del Sur Gov. Adolph Edward G. Plaza ang mga rescue team ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) upang maghanda sa paglilikas sa mga residente.

Samantala, Sabado pa lang ng hapon ay umaabot na sa tuhod ang baha sa Butuan, at kinumpirma ni Butuan City Social Services Officer Jocelyn F. Loquite na 11 barangay sa lungsod ang lubog na sa baha at 2,836 na pamilya na ang nailikas.

Bandang 5:30 ng hapon din nitong Sabado nang isilang ng 21-anyos na evacuee na si Papao Pantar ang kanyang sanggol sa Barangay Obrero Elementary School sa siyudad, sa tulong ng isang kumadrona at ng rescue team ng Butuan City DRRMC.

(Mike U. Crismundo)