KAPANALIG, nakaaalarma at nakalulungkot ang mataas na bilang ng casualty o injured kada may sakuna, hindi ba?
Noong 2015, nagbahagi ng pag-aaral ang UNESCAP kaugnay ng mga sakuna at trahedya na naranasan sa Asya at sa Pasipiko at kung gaano ba kalawak ang pinsalang idinulot ng mga ito.
Ayon sa report, aabot sa $45.1 billion ang kabuuang halaga ng economic damage na dala ng mga tinatayang 160 sakuna ang nanalasa sa rehiyon. Nasa 16,046 ang namatay dahil dito.
Ang lindol ang may pinakamalaking napinsala. Tinatayang nasa 8,790 katao ang kinitil sa Nepal. Nakita rin sa pag-aaral na ito na ang baha ang karaniwang sakunang nararanasan ng mga bansa sa Asya at Pasipiko. Napakalaking pinsala rin ang idinulot nito sa ekonomiya ng mga bansa sa rehiyon.
Ang mga sakunang ito ay nagpapakita ng kahalagahan ng disaster risk reduction and management efforts, pati na rin humanitarian efforts.
Ibayong paghahanda talaga ang kailangan. Hindi na pupuwede ang simpleng pagtatago lamang sa bahay. Sa ngayon, nakikita natin na binabaha na ang mga lugar na hindi naman dati binabaha. Kapansin-pansin din na ang mga faultlines ay hindi na makita sa ibang lugar dahil ito ay natabunan na ng mga gusali at bahay.
Hindi lamang ingat ang kailangan dito, kailangan din ang maayos na pagpaplano at maayos na pagdedesisyon. Kailangan natin pag-aralan ang pabagu-bagong klima, pati na rin ang paggalaw ng mundo at kung paano natin maisasaayos ang ating mga siyudad upang ito ay ligtas sa mga maaaring maging epekto ng mga delubyo.
Ang maayos na paghahanda sa mga sakuna ay hindi lamang isang trabaho o gawain na kasama sa ating checklist. Ang paghahanda sa sakuna ay isang act of love dahil isinasalba natin ang buhay ng ating kapwa, at sinisigurado mo na hindi sila masasaktan. Pinapakita natin dito ang kahalagan na binibigay natin sa buhay ng ating kapwa. Pinapakita natin dito na nakikita rin ang mukha ni Kristo sa mukha ng mga malalapit sa sakuna.
Ayon nga kay dating Pope Benedict sa kanyang Deus Caritas Est: “Seeing with the eyes of Christ, I can give to others much more than their outward necessities; I can give them the look of love which they crave…”
Sumainyo ang katotohanan. (Fr. Anton Pascual)