Kung may pinakamainam na paraan upang tuluyang malinis sa mga tiwali ang pambansang pulisya, ito ay sa pamamagitan ng pagpapanagot sa mga ito.

Hindi kuntento si Vice President Leni Robredo na basta lang inililipat ng himpilan o sinisibak sa serbisyo ang mga tiwaling pulis—sinabi niyang dapat na panagutan ng mga ito ang anumang krimeng ginawa.

“Unless this is addressed, the public’s trust in the institution will be eroded,” sabi ni Robredo, tinukoy ang pagkakasangkot ng ilang pulis sa operasyon kontra droga, na ang pinakahuli ay ang pagdukot sa negosyanteng Korean na si Jee Ick-joo, na pinatay sa loob mismo ng Camp Crame.

Ayon sa Bise Presidente, nagtatanong ngayon ang publiko kung sino pa ang dapat nilang pagkatiwalaan kung hindi sa mismong mga pulis ay takot sila.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Naniniwala si Robredo na upang malinis sa mga tiwali ang Philippine National Police (PNP) ay dapat na papanagutin ang mga gumawa ng krimen upang mapatunayan ng publiko na maaaring muling pagkatiwalaan ang mga ito.

Dating chairperson ng regional advisory board ng PNP, hindi naniniwala si Robredo na makatutulong sa problema ang pagre-resign ni PNP Chief Director Gen. Ronald “Bato” Dela Rosa na una nang ipinanawagan ng netizens at ni mismong House Speaker Pantaleon Alvarez matapos mabunyag ang kidnap-slay kay Jee.

“Although they should be answerable because we have take responsibility as leaders for our office but it is not the solution,” sabi ni Robredo. “The solution we’re looking for is to make those responsible pay for their sins, punish them, clean the entire institution in order to restore public trust.”

KASUHAN, IKULONG

Ito rin ang punto ni Senator Bam Aquino, na hinimok ang PNP at ang Department of Justice (DoJ) na magsanib-puwersa sa pag-usig at pagpaparusa sa mga police scalawag na nagdudulot ng kahihiyan sa matitinong pulis at sa mismong pulisya.

Sinabi ni Aquino na dapat na kaagad sibakin ng PNP sa serbisyo ang mga tiwaling pulis habang ang DoJ naman ang magpupursige ng pagsasampa ng kasong kriminal laban sa nasibak na pulis upang matiyak na mapapanagot ito sa ginawang krimen.

“Iyong paghahain ng criminal case ang kailangang bantayan. May kayang gawin ang PNP, pero dapat umaksiyon din ang Justice Department at iba pang kasamang agency para makasuhan sa korte, criminally, ang isang pulis,” sinabi ni Aquino sa isang panayam sa radyo.

“Kailangan nating ibalik ang tiwala ng tao sa PNP. Siguraduhin natin na wala nang mangyayari pang ganito at tiyakin na ang mga taong gumawa ng masama ay makulong at managot,” dagdag pa ng senador.

Kaugnay nito, inihain ni Aquino ang Senate Bill No. 1285 na magpapalakas sa Internal Affairs Service (IAS) ng PNP para maisulong ang disiplina sa mga pulis. (RAYMUND F. ANTONIO at LEONEL M. ABASOLA)