BUMUO na ng panuntunan ang National Irrigation Administration para sa opisyal na pagpapatupad ng libreng irigasyon sa buong bansa ngayong taon.

Inaprubahan ng NIA Board, na pinamumunuan ni Cabinet Secretary Leoncio Evasco, ang mga patakaran para sa programa sa kanilang board meeting sa Tacloban City, Leyte nitong Martes.

Inihayag ni National Irrigation Administration Chief Peter Laviña na sa P2 bilyon alokasyon ng budget ngayong taon para sa operasyon ng ahensiya, magkakaloob sila ng libreng serbisyo ng irigasyon sa bawat magsasaka.

Sa ilalim ng libreng irrigation program, ang nabanggit na dagdag na alokasyon ng National Irrigation Administration ay mapupunta sa sahod ng mga empleyado ng ahensiya na dating kinukuha mula sa service fees.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

“NIA will now stop the collection of irrigation service fees, but corporate farms are not included such as plantations,” sinabi ni Laviña sa mga mamamahayag matapos ang kanilang board meeting.

Para masiguro ang pagpapanatili sa mga sistema ng irigasyon, magbibigay ng tulong pinansiyal ang National Irrigation Administration sa 8,100 irrigators association sa bansa. Dahil maliit lang ang suporta, may kapangyarihan ang grupo na kumolekta ng membership o maintenance fee mula sa kanilang mga miyembro.

“The responsibility to maintain the canals should rest on farmers. They will be the one to agree on the contributions,” dagdag niya.

Sinabi ni Laviña na kailangan nilang ipursige ang “shared responsibility” sa pagpapanatili ng mga kanal sa implementasyon ng libreng irigasyon para maayos ang maging epekto nito sa pinupuntiryang kasapatan sa bigas ng gobyerno.

Nagbabayad ang isang magsasaka ng service fee na katumbas ang dalawang sakong palay kada ektarya tuwing panahon ng pag-aani.

Nakakokolekta ang gobyerno ng mababa sa P2 bilyon mula sa irrigation service fees kada taon, ngunit ang naipon na kokolektahin ay umabot na sa P13 bilyon.

Inilahad ni Laviña na kailangan itong bayaran ng mga magsasaka sa kabila ng may nakabimbing panukala sa Kongreso para patawarin na lang o huwag na itong bayaran ng mga magsasaka.

“We have to collect because it would be unfair for our small farmers who have already settled their accounts,” dagdag niya.

Ang libreng irigasyon sa mga magsasaka ay isa sa mga ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte noong nangangampanya pa siya sa pagkapangulo. (PNA)