Sinabi ng Malacañang kahapon na naghahanap pa ng magandang tiyempo ang gobyerno para igiit ang karapatan ng bansa sa West Philippine Sea (WPS).
Tiniyak ni Presidential Spokesperson Ernesto sa publiko na hindi aabandonahin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang karapatan ng bansa sa WPS ngunit muling idiniin na ang malalim na ugnayan ng Pilipinas at China ay kailangan ipreserba.
Ito ang ipinahayag ng Palasyo matapos lumutang sa Pulse Asia Survey na walo sa 10 Pilipino sa bansa ang nais na ipaglaban ng Pilipinas ang mga karapatan sa pinagtatalunang karagatan.
Ayon kay Abella, sumasang-ayon ang Palasyo sa resulta ng survey at maging ang Pangulo, na kailangan ng bansa na igiit ang mga karapatan nito sa pagdating ng tamang panahon.
“It’s a matter of timing. Hindi po ibig sabihin na we are giving up. We are not giving up anything. Definitely not.
Atin po ‘yan. However, it’s a question of timing and a matter of diplomatic relations,” aniya sa Radyo ng Bayan.
“We’re running on parallel lines na meron tayong pinoproteksyunan, meron tayong pinaglalaban. Magkakapit-bahay tayo so we have to learn how to work with this reality.”
Pinili ni Duterte na isantabi ang hatol ng international tribunal sa The Hague at isinulong ang pagpapalakas sa relasyon sa China. Idineklara ng Permanent Court of Arbitration na walang batayan ang pag-aangkin ng China sa WPS.
Gayunman, sinabi ni Abella na natutuwa ang Palasyo na mas maraming Pinoy ang suportado ang hakbang ni Duterte na palakasin ang relasyon sa China at Russia.
“Masaya po tayo that lumalawak ang paningin ng ating mga kapwa Pinoy. On the other hand, it does not mean na basta-basta na lang tayong bumubukas. All of these things are carefully considered,” aniya. (ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS)