TAONG 2009 nang mapagdesisyunan ang pagtatayo ng isang common station upang maging maginhawa para sa mga sumasakay sa dalawang pangunahing tren sa Metro Manila — ang Light Rail Transit (LRT)-1 at ang Metro Rail Transit (MRT)-3 — ang paglilipat-biyahe. Ang ikatlong biyahe ng tren mula sa San Jose del Monte sa Bulacan — ang MRT 700 — ang kalaunan ay mag-uugnay sa dalawang train system.
Ang orihinal na plano ay ang magtayo ng common station sa Epifanio delos Santos Avenue (EDSA) sa harap ng SM North EDSA; binayaran ng SM ang gobyerno ng P200 milyon para sa nasabing kasunduan na kinabibilangan ng pagtatakda sa mga karapatan. Gayunman, nang magsimula ang administrasyong Aquino noong 2010, nagdalawang-isip ang mga bagong opisyal tungkol sa plano at noong 2014 ay napagdesisyunan ang isang bagong lugar na mas malapit sa Trinoma mall ng Ayala.
Kaagad na dumulog sa korte ang SM para magawaran ng temporary restraining order ng Korte Suprema.
Pansamantalang nabimbin ang kaso sa sumunod na tatlong taon — hanggang magkaroon ng kasunduan nitong Enero 18 ang mga panig na sangkot — ang SM Prime Holdings at Ayala, ang Department of Transportation (DOTr), ang Department of Public Works and Highways (DPWH), ang LRT Authority, ang Light Rail Manila Corp., ang San Miguel Corp., at ang North Triangle Depot Corp.
Alinsunod sa napagkasunduan, itatayo ang isang common station sa lugar sa pagitan ng dalawang mall; ito ang malinaw na napagkasunduan mula sa orihinal na pagtatalo tungkol sa lokasyon nito. Magkakaroon ng Area A, ang platform at concourse para sa LRT 1 at MRT 3, na gagawin ng DOTr; ng Area C para sa MRT 7, na ipatatayo ng San Miguel; at ng Area B na mag-uugnay sa Area A at Area C, na itatayo naman ng affiliate ng Ayala Land. Ang kabuuang halaga ng Public-Private Partnership project na ito ay inaasahang aabot sa P2.8 bilyon. Magsisimula ang konstruksiyon sa Disyembre at inaasahang makukumpleto sa Abril 2019.
Kapag nakumpleto na, makikinabang sa common station ang milyun-milyong pasahero araw-araw. Inaasahang mapadadali nito ang mga biyahe ng tren sa Metro Manila, at makatutulong upang mabawasan ang trapiko sa lansangan at ang pagsisiksikan ng mga sasakyan na matagal nang pinoproblema sa Metro Manila. Ang street-level area sa ilalim ng common station ay magsisilbi naman sa mga truck, bus at pribadong sasakyan.
Gayunman, may ikinababahala tungkol sa trapiko sa lugar sa loob ng dalawang taon na ginagawa ang common train station. Kahit ngayon, ang magkasangang kalsada ng EDSA at North Avenue ay nananatiling isa sa pinakaabalang bahagi ng highway. Kapag nagsimula nang magpakaabala roon ang mga traktora, earthmovers, cement mixer at truck na nagkakarga ng mga bakal at iba pang gamit sa konstruksiyon, walang dudang magbubuhul-buhol ang trapiko sa lugar, marahil ang pinakamalala sa buong Metro Manila.
Nais ng Kamara de Representantes na pag-aralan ang kasunduan upang matiyak na makikinabang nang lubusan dito ang publiko, at hindi lamang ang aspeto ng negosyo na saklaw ng kasunduang nilagdaan noong nakaraang linggo. Tama lamang na busisiin ng Kongreso ang proyekto upang matiyak na masusulit ang P2.8 bilyon na inilaan para rito.
Kapag nagsimula na ang mga pagdinig, hinihimok natin ang mga kongresista na ikonsidera ang posibilidad ng matinding trapiko na maidudulot ng proyekto sa buong panahon ng konstruksiyon. Dapat na magkaroon ng espesyal na pagpupursige upang bumuo ng plano na sisigurong mananatiling maayos ang daloy ng trapiko — kahit gaya lamang ng nakikita ngayon — sa dalawang taon na kukumpletuhin ang pagtatayo sa common station.