Ipinagdiinan kahapon ng Malacañang na patuloy nilang ipaglalaban ang mga overseas Filipino worker (OFW) na nasa death row kahit pa muling maipatupad ang death penalty sa Pilipinas.
Ito ay kasunod ng panawagan sa gobyerno ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na huwag ibalik ang parusang kamatayan dahil magiging taliwas ito sa pagsasalba sa mga Pilipinong nasa death row.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella na naiintindihan ng Palasyo ang CBCP ngunit sinabing may ibang bansa na may sariling batas.
“We understand where the CBCP is coming from. However, we also have to understand na may mga alleged crimes kasi na kinondemn ng mga certain countries lalo sa may bandang Middle East,” pahayag ni Abella sa isang panayam sa radyo.
Ayon kay Abella, may mga bansa na nagpapatupad ng Sharia Law at hindi western civil law.
“We cannot claim ascendancy but we can claim perhaps clemency and mercy depending on the merit of each case, not because we do not have yet the death penalty but we have to discuss each one of the merit of each case,” dagdag ni Abella. (Argyll Cyrus B. Geducos)