MAHALAGA at natatanging araw ang huling Linggo ng Enero sa mga taga-Baras, Rizal sapagkat magkasabay nilang ipinagdiriwang ang anibersaryo ng pagkakatatag ng kanilang bayan at ang kapistahan. Ngayong 2017 ang ika-96 na taong pagkakatatag ng Baras. Ang patron saint ng mga taga-Baras, Rizal ay si Saint Joseph. Isang concelebrated mass bilang bahagi ng pasasalamat ang idaraos sa makasaysayang simbahan ng Baras na isa sa pinakamatandang simbahan sa eastern Rizal.

Ayon kay Mayor Katherine Robles, ang unang babaeng nahalal bilang alkalde ng Baras, bilang bahagi ng pagdiriwang ay naglunsad ang pamahalaang bayan ng iba’t ibang aktibidad. Ito ay sinimulan noong ika-14 ng Enero, tulad ng paghahayag at pagbibigay ng gantimpala sa mga nagwaging barangay sa timpalak sa paggawa ng Belen at sa Baras picture photograph competition; binyagang bayan, organic market o pagtitinda ng mga inaning produkto ng mga magsasaka.

Ang Baras na dating barangay ng Tanay ay naging bahagi ng Rizal noong Hunyo 11, 1901. Naging isang munisipalidad ang Baras sa pamamagitan ng isang Executive Order No. 57 na nilagdaan ni Governor Generall Francis Burton noong Disyembre 24, 1924. Mula noon at hanggang ngayon, ang mga mamamayan sa Baras ay nagpakita ng pagmamahal sa kaunlaran. At isa sa kanilang tradisyon na patuloy na binibigyang-buhay at pagpapahalaga ay ang kapistahan at ang anibersaryo ng pagkakatatag tuwing sasapit ang huling Linggo ng Enero.

Ayon sa kasaysayan, noong 1595, itinatag ng mga misyonerong Franciscano ang Baras sa dakong timog ng Sitio Paenaan bilang Visita de Morong. Dahil sa walang paring mangangasiwa, nanatiling Visita de Morong ang Baras. At noong 1616, ang pangangasiwa ay isinalin sa mga paring Heswita. Ang unang simbahan ng Baras, tulad ng mga simbahan sa eastern Rizal, ay sinunog ng mga intsik na tumakas mula sa Maynila patungong Sierra Madre.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Pagsapit ng 1682, sinimulan ang konstruksiyon ng simbahan. Ito ay natapos noong 1686 at hanggang sa ngayon ay itinuturing na isa sa pinakamatandang simbahan sa Rizal.

Sa panahon ng Himagsikan, ang mga mamamayan sa Baras ay nagpamalas ng kagitingan at tapang sa pagtatanggol sa kalayaan. Sumama sa pangkat ni Heneral Emilio Aguinaldo sa pakikipaglaban sa mga Kastila at Amerikano.

Ang salitang Baras ay sinasabing hango sa salitang BARAHAN na ang kahulugan ay daungan (pritil) palibhasa’y malapit sa Laguna de Bay. May nagsasabi naman na ito ay hango sa pangalan ng isang paring nagngangalang Padre Francisco Barasohan na kilala noon dahil sakanyang kabutihan sa mga mamamayan. May paniwala naman na hango ito sa BARAS na dalawang pirasong kahoy na pinagsisingkawan ng kabayo upang mahila o tumakbo ang kalesa. (Clemen Bautista)