PARANG hindi naman umaarte si Angeline Quintos sa pelikulang Foolish Heart na pinagbibidahan nila ni Jake Cuenca dahil karakter talaga niya off-camera ang napapanood sa pelikula.
Kaya tinanong namin ang singer/actress kung may mga adlib siya, at tama nga kami, marami raw.
“May mga adlib naman ako, ‘Te Reggs na hindi ko sinunod sa script. Sabi ko kay Direk (Joel Lamangan) na sana payagan niya ako. Kasi kung hindi natural sa akin ‘yung nasa script, sana hayaan niya akong gumawa ng sarili ko. So, meron naman po.
“Halos marami naman po, alam mo ‘yung mga expression ng mga bakla, minsan po kasi hindi natural sa akin ‘yung ganu’n, kung baga nagsasalita ako ng mga nakakatawang salita, pero hindi ko ginagamit ‘yun,” sabi ni Angeline.
“’Yung nasa ospital si Ate Cai (Cortez), ‘yung sabi ko, ‘in fairness friend, ang dami ko nang utang sa ‘yo, apat (na anak) na agad ‘yung utang ko sa ‘yo, bakit hindi mo pa kaya gawing lima (manganak ulit sa panglima), mga ganu’n,” halimbawa ng mga adlib na ginawa niya.
Kasama ni Angeline sa premiere night ng Foolish Love ang kanyang Mama Bob. Ano ang reaksiyon nito, lalo na sa kissing scenes nila ni Jake?
“Hindi ko matingnan ng diretso, kasi po nu’ng nag-dubbing naman po ako, hindi naman ganu’n kalaki ‘yung screen, iniisip ko talaga ‘yung Mama Bob ko, kasi before po kami magpunta rito, sabi ko sa kanya, ‘ma, trabaho lang ‘yun, ha?
“Kasi siyempre kailangan kong ipaliwanag sa kanya, first time ko po magkaroon ng eksenang ganu’n, na matagal makipaghalikan. Eh, nandiyan si Mama Bob, so feeling ko naintindihan naman niya ‘yun,” natawang sagot ng dalaga.
Pag-uwi ng bahay ay tinanong daw kaagad niya ito.
“Hindi raw po niya matignan ng diretso, napahawak na lang daw siya sa bibig niya po. Tinanong niya kung wala raw bang daya ‘yun, totoong halikan daw ba ‘yun. Hindi naman po nagalit.”
Halos wala naman silang ginawa ni Jake habang pinapanood ang pelikula nilang punumpuno ng halikan kundi maghampasan.
“Kami po ni Jake wala kaming ginawa kundi maghampasan sa upuan. Natatawa ako, nadadala ako sa mga sigaw ng mga tao habang nanonood, natutuwa naman ako kasi kinilig sila.”
Nakakagulat na pumayag si Angeline sa love scenes at luwa pa ang dibdib.
“Ganu’n naman po ako sa personal na buhay (sabay pakita ng suot niyang halos luwa na ang dibdib), hindi pa ba? Wala naman pong masama kung susubukan ko ‘yung mga bagay na first time kong gagawin lalo na pagdating sa pag-arte. Kaysa naman po magpa-sweet ako, eh, hindi naman na ako 16 years old, di ba?
“Alam ko naman na maiintindihan ng mga tao ‘yun kasi nasa tamang edad na ako. Hindi man nakikita ng mga taong mayroon akong lovelife talaga, siguro nasa tamang edad na ako para gawin ‘yung mga bagay na ‘yun,” pangangatwiran ng dalaga.
Nakaraming halik si Jake sa kanya.
“Nakarami si Jake? Nakarami naman kami pareho, ha-ha-ha-ha,” sagot ng dalaga. “’Yung mga eksena naman namin kahit na maraming ganu’n, comedy pa rin naman, di ba?”
Paano kung panonoorin ito ni Erik Santos, papayagan ba niya?
“Hindi ko po alam, kasi hindi niya po alam na may mga ganitong eksena, hindi ko rin sinabi sa kanya. Kung sakaling mapanood niya o mabasa na niya, eh, nasa sa kanya na po ‘yun. Ako ay trabaho lang naman, sana walang magbago.”
Palabas na sa mga sinehan ang Foolish Love mula sa Regal Entertaimment at kasama rin sina Tommy Esguerra, Miho Nishida, at Vangie Labalan at lumalaban naman ito sa katapat nitong foreign films. (Reggee Bonoan)