Matinding selos at hinala ang dahilan kung bakit umano pinatay sa saksak ang isang binatilyo sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Isang malalim na saksak sa kaliwang likod ang ikinasawi ni Warren Virtudazo, 18, ng Building 28, Aroma Temporary Housing sa Tondo habang nakatakas naman ang suspek na kinilala sa alyas na “Tawe”.
Sa ulat ni Police Supt. Robert Domingo, station commander ng Manila Police District (MPD)-Station 1, dakong 5:30 ng hapon nangyari ang pananaksak sa Aroma Compound sa Temporary Housing.
Umiinom ng kape ang biktima sa labas ng naturang gusali nang biglang lapitan ng suspek at sinaksak sa likod.
Lumilitaw na selos ang dahilan ng pamamaslang dahil may hinala umano si Tawe na may relasyon ang biktima at ang kanyang kinakasama.
Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang mga awtoridad. (Mary Ann Santiago)