Matapos mabunyag ang milyun-milyong pisong asset ni SPO3 Ricky Sta. Isabel, ipinabubusisi na sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang bank accounts nito.

Si Sta. Isabel, na pangunahing suspek sa pagdukot at pagpatay sa negosyanteng Korean na si Jee Ick-joo, ang sinasabing humingi ng ransom sa pamilya ng dayuhan.

Napag alaman na P8 milyon ang unang ransom demand ng mga dumukot kay Jeep, ngunit P5 milyon lang ang naibigay ng pamilya ni Jee noong Oktubre 31, 2016, 13 araw makaraang dukutin ang Korean sa Angeles City, Pampanga.

Matatandaang nabunyag sa pagdinig ng Senado nitong Huwebes na umaabot sa halos P20 milyon ang assets ni Sta. Isabel, gayung umamin siyang P8,000 lang ang sinusuweldo niya kada buwan.

National

Eastern Samar, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

Maging ang iba pang suspek sa kaso ay maaari ring siyasatin ang bank records.

Kaugnay nito, nanawagan si Senator Grace Poe sa Philippine National Police (PNP) na magsagawa ng lifestyle check sa mga tauhan nito, at simulan ito sa mga sangkot sa kidnap-slay.

Umapela ng masusing imbestigasyon ng pamunuan ng PNP sa mistulang pagsasabwatan ng matataas na opisyal ng pulisya sa pagdukot at pagpatay kay Jee, sinabi ni Poe na dapat isailalim sa lifestyle check sina Sta. Isabel, Supt. Rafael Dumlao ng PNP Anti-Illegal Drugs Group (AIDG), at iba pang pulis na sangkot.

Sisikapin naman ni Senator Bam Aquino na matukoy kung kanino napunta ang P5 milyon ransom na ibinigay ng pamilya ni Jee sa mga dumukot dito. (Beth Camia, Elena Aben at Leonel Abasola)