PINAGRE-RESIGN na si PNP Chief Gen. Bato Dela Rosa, sa pangunguna ni House Speaker Pantaleon Alvarez, kaugnay ng pagdukot at pagpatay ng mga pulis sa Korean businessman na si Jee Ick-Joo sa Camp Crame na katabi ng official residence ng heneral.

Ganito rin ang panawagan ng mga Partylist Representatives dahil hindi nila nagustuhan ang pagpunta nito sa Las Vegas para lang panoorin ang laban ni Sen. Pacquiao at pagdalo sa concert gayong mayroon na palang hindi magandang nangyayari sa kanyang teritoryo. Kapabayaan niya ang hindi nila matanggap dahil pinuno siya ng makapangyarihang puwersang pumapatay ng mga tao, pero mga miyembro ng puwersang ito ang dumukot at pumaslang sa inosenteng tao sa sentro mismo ng kanilang kapangyarihan. Ibinigay na nga ng maybahay ng biktima ang hinihingi nilang ransom na P5 milyon, pinatay pa nila ito.

Ayon kay Gen. Bato, tinanggihan ng Pangulo ang kanyang pagbibitiw sa tungkulin. Bakit nga naman siya sisibakin ng Pangulo eh, sa kanyang balikat iniatang ang operasyon laban sa krimen at droga. Sa mahigit na anim na buwang pamumuno ng kasalukuyang administrasyon ay walang patumangga ang brutal na pagpatay sa mga gumagamit at tulak ng ilegal na droga.

Sa insidenteng ito ng pagpatay sa Korean businessman, droga rin ang ginamit ng mga pulis kaya nakuha nila ito sa kanyang tahanan sa Angeles, Pampanga. Kapag nadala ang Pangulo sa panawagan na i-dismiss ang heneral at inalis niya nga ito sa puwesto, pag-amin niya na mali ang ginagawa niyang kampanya laban sa droga.

Ka-Faith Talks

#KaFaithTalks: Sa lahat ng ‘hindi ko na kaya,’ nanatili Siyang tapat

Paninindigan niya ang pagtalaga niya sa heneral dahil kailangan niyang panindigan ang nangyayaring karumaldumal na pagpatay kahit inosenteng sibilyan ang nadadamay dahil nagmatigas na siya sa kanyang paniniwala na ito lang ang mabisang paraan para magtagumpay siya sa pakikidigma laban sa droga.

Pero, mali si Pangulong Digong. Ang sabi ni DoJ Sec. Vitaliano Aguirre, may naninira lamang kay Gen. Bato kaya ginawa ang pagpatay sa Koreano sa Camp Crame. Hindi si Bato ang sinisira nito kundi ang kampanya ng Pangulo sa pagsugpo niya sa krimen at ilegal na droga. Dahil inilalagay ng Pangulo sa kanyang sariling kamay ang batas, ganito ang ginagawa ng kanyang mga tagasunod. Pero, anuman ang mangyari, hindi maiiwasan na gayahin siya ng kanyang mga tagasunod na may sariling agenda. Gagawin ang kanyang sariling pamamaraan upang isulong ang kanilang pansariling interes. Si Sta. Isabel at mga kasapakat niyang mga pulis ay sumakay sa pamamaraang ito upang mangikil, pero kung bakit napakaluwag naman ng bansa eh, pinili nila ang Camp Crame para rito patayin ang Koreano, sila lang ang nakakaalam. Pero hindi mahirap intindihin na ang pamamaraan ng Pangulo laban sa droga ay parang bakal na ang ginawa ng mga pulis gaya ni Sta. Isabel ay mistulang kalawang na sinisira ito. Pinatingkad lamang ang katotohanang self-destructive ang pumatay ng kapwa na siyang sentro ng kampanya ng Pangulo sa pagsugpo sa ilegal na droga. (Ric Valmonte)