MAINIT ang naging showdown ng mga Asian at mga Latina sa Miss Universe 2016 preliminary competition.

Ipinakita ng 86 na kandidata ang patikim sa kanilang swimsuit at evening gown competition sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City nitong Huwebes ng gabi. Isinagawa naman ang closed-door interview sa kanila kahapon.

Inihayag ng mga organizer na pipili ng Top 12 na kandidata mula sa preliminary competition ng 65th Miss Universe beauty pageant. Ihahayag ang resulta sa finals sa SM MOA Arena sa Lunes, Enero 30, simula 8:00 ng umaga.

Sa preliminaries, hawak-hawak ng mga manonood ang kanilang placard at maliliit na bandera ng kanilang paboritong kandidata na naka-swimsuit at evening gown sa dalawang oras na palabas.

Tsika at Intriga

Marc Nelson, nagsalita matapos madawit sa legal battle nina Maggie Wilson-Victor Consunji

Kabilang sa mga kandidata na tumanggap ng pinakamalakas na cheer ng audience sina Miss Philippines Maxine Medina, Miss Thailand Chalita Suansane, Miss Venezuela Mariam Habach, Miss Brazil Raissa Santana, Miss Colombia Andrea Tovar, Miss Sierra Leone Hawa Kamara at Miss USA Deshauna Barber.

Ginulat ni Maxine, 26, ang mga manonood sa kanyang berdeng swimsuit. At sumunod na nagsuot ng green-emerald evening gown na idinisenyo ni Rhett Eala.

Ang preliminary judges ay sina dating Miss Universe 1993 Dayanara Torres ng Puerto Rico; Miss Universe 2007 Riyo Mori; Cynthia Bailey, founder ng Bailey modeling agency; international marketing director na si Rob Goldstone; at Fred Nelson, presidente ng People’s Choice Awards; at social entrepreneur na si Francine LeFrak.

Pagkatapos ng preliminaries, inirampa ng mga kandidata ang kanilang national costume. Bagamat hindi ito bahagi ng criteria sa pagpili ng Top 12 semifinalists, kabilang sa masigabong pinalakpakan ang mga kandidata ng Pilipinas, Myanmar, Mauritius, Nicaragua, Panama, Paraguay, Venezuela at Vietnam.

Nagsuot si Maxine ng vinta-inspired gown para sa national costume show.

Inihayag ni Eala sa panayam ng ABS-CBN na ang national costume head piece ni Maxine ay nagkakahalaga ng higit P1 milyon dahil gawa ito sa perlas mula Jewelmer.

“For the headdress alone and the earrings -- I just saw the earrings today -- it’s more than a million (pesos) for sure,” saad ng fashion designer

FEARLESS FORECAST

Pagkatapos ng preliminary competition, hinulaan ng observers ang inaasahang papasok sa Top 12. Sila ay sina Raquel Pellisier ng Haiti, Andrea Tovar ng Colombia, Raissa Santana ng Brazil, Maxine Medina ng Pilipinas, Deshauna Barber ng USA, Mariam Habach ng Venezuela, Kristal Silva ng Mexico, Chalita Suansane ng Thailand, Sal Garcia ng Dominican Republic, Jaime-Lee Faulkner ng Great Britain, Caris Tiivel ng Australia, at Kezia Warouw ng Indonesia.

Humahabol naman ang mga kandidata mula Ecuador, Nicaragua, Puerto Rico, France, Sierra Leone, Guatemala, Malaysia at Kosovo. (Robert R. Requintina)