KATULAD nating mga Pilipino, ang mga Intsik ay may sariling petsa at mga paraan ng pagdiriwang ng Bagong Taon na kung tawagin ay Chinese New Year. Ang China ay nakalikha rin ng sariling tradisyon, kaugalian at mga seremonya at ritwal na ang pinag-ugatan ay kanilang mga ninuno.
Sa China, ang pinakasikat na pagdiriwang ay ang New Year Festival o Chinese New Year. Kilala rin ito sa tawag na Spring Festival sapagkat ipinagdiriwang nila sa pagwawakas ng winter o taglamig at simula naman ng spring o tagsibol.
Sinasabing ito ang pinakamahalaga at pinakamatandang kapistahan sa China.
Ang petsa ng pagdiriwang ng Chinese New Year ay naiiba sa Bagong Taon ng mga Kristiyano na hindi nagbabago ang petsa.
Nakapako sa unang araw ng Enero ng bawat taon. Ngunit ang Chinese New Year ay paiba-iba ang petsa. Ang selebrasyon ay ibinabatay sa lunar/solar caledar na may 12 buwan na naghahalili ng 28 araw t 30 araw na katumbas ng 12 full lunar cycle. Ang Chinese New Year ay sinisimulan sa unang araw ng bagong buwan (new moon). Dahil dito, ang pagdiriwang ay pumapatak mula sa huling linggo ng malamig na Enero hanggang sa kalagitnaan ng Pebrero. Ngayong 2017, ang Chinese New Year ay natapat sa ika-28 ng Enero. Ang 2017 ay Year of the Rooster o Taon ng Tandang.
Bago mag-Chinese New Year, naglilinis sila ng bahay, nagbabayad ng mga utang. Nagpapagupit ang mga lalaki at nagsusuot ng bagong damit na kulay pula at may polka dot. Ang bahay ng mga Intsik ay nilalagyan ng bintana ng mga pulang parol na simbolo na magdadala ng katahimikan at kasaganahan para sa darating na taon. Nagtutungo rin sa mga templo, nagsusunog ng insenso, pinararangalan at ipinagdarasal ang kanilang mga ninuno at yumaong kamag-anak.
Sa lahat ng panig ng mudo ay may komunidad ng mga Intsik, at ipinagdiriwang ang Chinese New Year. Dito sa ating bansa, ang sentro ng pagdiriwang ay ang Chinatown sa Binondo, Maynila na kagabi pa’y sinimulan na ang pagdiriwang.
Tulad ng nakaugalian at bahagi ng pagdiriwang, tampok ang makulay na parada at dragon dance na sinasaliwan ng dagundong ng mga tambol at kalansing ng mga pompiyang. May paputok at fireworks. Pinaniniwalan na ang tradisyon ng pagpapaputok ang tinularan ng mga Pilipino tuwing Bagong Taon. Sa paniniwala ng mga Intsik, ang dragon dance at mga paputok ay nagtataboy ng masasamang espiritu at pagsalubong naman sa magandang kapalaran at kasaganahan sa Bagong Taon.
Tuwing Chinese New Year, ang mga Intsik ay nagsusuot ng mga damit na may dibuhong bilog-bilog o polka dot. Naghahanda ng Nian Gao o tikoy na simbolo ng kasaganahan at ang kalagkitan nito ay sumisimbolo ng pagkakaisa. May pagkakataon pa na ang mga Intsik ay namimigay ng tikoy sa kanilang mga kaibigan, kakilala, sa mga kumpale at kumale sa gobyerno.
At sa nasabing pagdiriwang, marami ring Pilipino ang nakikiisa sa pgbibigay-buhay anuman ang relihiyon at paniniwala.
KUNG HEI FAT CHOI! KONG HEI WAT CHAI! (Clemen Bautista)