PAG-IIBAYUHIN ng Department of Tourism sa Western Visayas ang pagtataguyod nito sa mga tourism destination ng apat na lalawigan sa rehiyon at sa Negros Occidental.

Inihayag ni Department of Tourism Regional Director Helen Catalbas na tututukan ngayong taon ang mga aktibidad sa marketing at promotion sa mga dayuhin ng turista, tulad ng ground preparation na gaya ng pagpapadali sa biyahe, pagsasanay sa mga makikisalamuha sa mga turista, at kamulatan ng komunidad sa turismo sa Iloilo, Capiz, Guimaras, at Antique.

Idinagdag niya na isasama na rin ang Negros Occidental, na bahagi ng Negros Island Region (NIR), dahil wala pa itong budget para sa tourism promotion.

Ipinaliwanag ni Catalbas na ang isla ng Boracay, na pangunahing destination sa Western Visayas at sentro ng turismo sa bansa, ay mayroong matatag na merkado at karamihan sa pinakamalalaking establisimyento sa isla ay nagsasagawa na rin ng sarili nilang marketing activities sa ibang bansa.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Gayunman, siniguro niya na ipagpapatuloy ng Department of Tourism ang pagsasagawa ng pagsasanay para sa frontline service sa isla at patuloy na pag-iibayuhin ang pagsisikap para makaakit ng mas maraming cruise ships na bibisita rito.

Binanggit din ni Catalbas na ang Iloilo ang pinakahandang destination dahil marami itong biyaheng domestic, bukod pa sa mga regular na international flights.

Samantala, itinuturing naman na kakambal na probinsiya ng Iloilo ang Guimaras na madalas na isama ng mga turista sa kanilang itinerary kapag bumibisita sa Iloilo.

Sa kasalukuyan, mayroong regular na direktang biyahe patungong Hong Kong at Singapore ang Iloilo International Airport.

“One of the very important factors in gaining tourists is if we are connected to the international market with less travel time,” aniya.

Samantala, pinuri ni Catalbas ang matagumpay na Dinagyang Festival ngayong taon. Sinabi niya na eksakto ang pagdiriwang ngayong taon sa ginintuang anibersaryo ng Dinagyang sa 2018.

Napansin din niya na tumaas pa ang bilang ng mga dayuhan at lokal na turista sa lungsod sa tatlong araw ng pista para sa mga pangunahing tampok at nagkaroon ng magagandang reaksiyon ang mga turista, tulad ng paglalarawan sa Pista bilang “excellent, spectacular and full of energy.” (PNA)