270117_GeraldoSantiago06_vicoy_PAGE 2 copy

Hawak na ngayon ng National Bureau of Investigation (NBI) ang may-ari ng punerarya sa Bagbaguin, Caloocan City kung saan dinala at umano’y na-cremate ang bangkay ng negosyanteng Korean na si Jee Ick-joo makaraang dukutin sa Angeles City, Pampanga at patayin sa Camp Crame ng ilang suspek, kabilang na ang mga pulis.

Sumuko si Gerardo “Ding” Santiago, retiradong pulis na barangay chairman at may-ari ng Gream Funeral Services, sa NBI matapos magbalik-bansa mula sa Toronto, Canada bandang 6:00 ng umaga kahapon.

Umalis sa bansa si Santiago noong Enero 11, ang kaparehong araw na ibinulgar ni Philippine National Police (PNP) Chief Director Gen. Ronald “Bato” Dela Rosa ang tungkol sa pagdukot at pagpatay kay Jee.

Human-Interest

ALAMIN: Pagbibigay ng 13th month pay sa mga empleyado, paano nagsimula?

MAKIKIPAGTULUNGAN

Ayon kay NBI Spokesperson Ferdinand Lavin, sinabi ni Santiago na natatakot ito para sa sariling kaligtasan kaya ito humiling na sumailalim sa kustodiya ng ahensiya.

“Nangako rin si Santiago ng buong kooperasyon sa imbestigasyon sa kaso. Tiniyak niya na sasabihin niya ang lahat ng kanyang nalalaman hinggil sa pagdukot at pagpatay sa dayuhan,” ani Lavin.

Sa pahayag sa NBI at kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre II, todo naman ang pagtanggi ni Santiago na may kinalaman siya sa krimen.

TODO-TANGGI

“Wala naman akong kasalanan kaya minabuti kong bumalik para linisin ang aking pangalan,” sabi ni Santiago.

“The return of Mr. Santiago augurs well for our collective search for the truth behind the dastardly act committed against the person of the late Mr. Jee Ick-joo. It is a most welcome development,” sabi naman ni Aguirre. “We assure the Filipino people and our Korean friends that earnest efforts will be exerted to bring the real perpetrators to justice.”

Kinumpirma rin ng kalihim na nakapaghain na ng supplemental complaint sa Department of Justice laban kina Santiago at PNP-Anti-Illegal Drugs Group (AIDG)-Pampanga head Supt. Rafael Dumlao, dahil hindi natukoy ang tunay na pangalan ng dalawa sa mga kinasuhan ng kidnapping for ransom with homicide sa Angeles City Regional Trial Court (RTC) Branch 58.

Matatandaang kabilang sa mga sinampahan ng kaso sa insidente sina SPO4 Roy Villegas, Ramon Yalung, at ang sinasabing pangunahing suspek na si SPO3 Ricky Sta. Isabel, na umano’y nagdala sa bangkay ni Jee sa punerarya ni Santiago para ma-cremate ito kapalit umano ng P30,000 at ng golf set ng Korean.

Oktubre 18, 2016 nang dukutin umano ng grupo nina Sta. Isabel si Jee sa Pampanga, dinala sa Crame sa Quezon City at doon pinatay bago idiniretso umano sa punerarya ni Santiago.

PAHAHARAPIN SA SENADO

Samantala, ipatatawag ng Senate public order and dangerous drugs committee ni Senator Panfilo Lacson si Santiago, gayundin ang asawa at anak na lalaki ni Sta. Isabel, at si Villegas sa susunod na pagdinig sa Huwebes, Pebrero 2.

“Tama ‘yan. Crucial ang kanyang (Santiago) testimony. Nagtuturuan sina Dumlao at Sta. Isabel,” ani Lacson.

(BETH CAMIA at HANNAH TORREGOZA)