MAGAGANDA ang mga Pilipina at hindi lingid sa kaalaman ng lahat na hindi nagpapahuli ang mga pambato ng Pilipinas sa Miss Universe o sa anumang international beauty contest.
Umaagaw ng pansin ng judges at audiences ang gandang Pinay. Nakaukit sa kasaysayan na ilang beses na muntik nang maiuwi ng ating mga kinatawan ang titulo ng Miss Universe, ang pinakamalaking pageantry sa buong mundo.
Narito ang kanilang magagandang karanasan sa Miss Universe.
Naging kinatawan ng Pilipinas noong 1963 si Lalaine Betia Bennett na tubong Bayombong, Nueva Vizcaya. Ginanap ang kompetisyon sa Miami Beach, Florida noong July 20 nang taong iyon, na nagwagi siya bilang 4th runner-up sa 49 na iba pang magagandang kinatawan ng iba’t ibang bansa. Pagkatapos ng timpalak, gumanda ang karera ni Bennett sa pelikula ngunit naudlot din nang magpakasal sa United States naval officer na inapo ng isang Polish-Filipino na naging escort niya noong timpalak.
Naging pambato naman ng Pilipinas noong 1975 si Rose Marie Brosas sa Miss U pageant na ginanap sa San Salvador, El Salvador, at naging 4th runner-up sa 71 kandidata. Praktikal ang kanyang kasagutan nang tanungin sa question-and-answer portion ng, “If you become Miss Universe of 1975 what one individual other than your parent would have made the greatest contribution to your success and why?” “Well I think it would be the judges because they were the ones who voted for me, if I become Ms. Universe.”
Nasungkit ni Maria Rosario “Chat” Silayan ang 4th runner-up sa Miss Universe pageant noong 1980 na ginanap sa Seoul, Korea. Animnapu’t siyam silang naglaban-laban para sa korona. Pumangalawa ang ganda ng Filipina beauty sa long gown competition suot ang serpentine blue gown na gawa ni Renee Salud. Naging artista si Chat Silayan na binawian ng buhay sanhi ng colon cancer sa edad na 46.
Ginanap sa Miami, Florida, USA ang 1984 Miss Universe Pageant na nilahukan ng 81 binibini mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo at naiuwi ni Desiree Verdadero ang 3rd runner-up slot. Nagpamalas si Desiree ng kakaibang charm sa stage at nakuha niya ang ikatlong puwesto sa swimsuit competition, dahil sa magandang hubog ng kanyang katawan.
Sumali sa Miss Universe noong 1999 si Miriam Quiambao, tubong Quezon City, at nanalong 1st runner-up. Ang kanyang mahigpit na nakatunggali ay si Mpule Kwelagobe ng Botswana. Natatandaan si Miriam sa kanyang pagkakadulas at napaupo habang naglalakad suot ang kanyang long gown. Ngunit hindi siya nagpatinag, muling tumayo at ibinalik ang composure at itinuloy ang paglaban sa kompetisyon. Siya ang kauna-unahang Pilipina candidate na nakatanggap ng 1st runner up na pagkilala sa kasaysayan ng pageantry.
Si Maria Venus Raj ang pambato ng Pilipinas sa 2010 Miss Universe pageant sa Las Vegas, Nevada, United States, at nagwagi bilang 4th Runner-Up. Tubong Bicol ang half-Indian, half-Filipino na si Venus. Nanalo rin siya ng special awards, Best in Long Gown, Best in Philippine Terno, at Miss Friendship – na madalang makamit ng title holders.
Tumatak sa isipan ng mga tagasuporta ang kanyang pamosong sagot sa question-and-answer portion, na nag-trending sa Twitter. Tinanong siya ni William Baldwin ng, “What is one big mistake that you made in your life and what did you do to make it right?” Ito ang kasagutan ni Venus na nag-major major trending worldwide: “You know what, sir, in my 22 years of existence, I can say that there’s nothing major major problem that I’ve done in my life because I’m very confident with my family, with the love that they are giving to me. So thank you so much that I’m here. Thank you, thank you so much!”
Naging pambato ng Pilipinas si Shamcey Supsup noong 2011 Miss Universe Pageant na ginanap sa Sao Paulo, Brazil, at pinarangalang 3rd sa 89 na mga kandidatang sumali. Nagpamalas ng galing si Shamcey sa pagrampa sa entablado na tinawag na ‘Tsunami Walk’. Sa question-and-answer portion, ang American actress na si Vivica A. Fox ang nagtanong kay Shamcey ng, “Would you change your religious beliefs to marry the person you love? Why or why not?” Sumagot siya ng, “If I have to change my religious beliefs, I would not marry the person that I love. Because the first person that I love is God, who created me. I have my faith and my principles, and this is what makes me who I am. If the person loves me, he’ll love my God, too.”
Tubong Balanga, Bataan si Janine Tugonon na naging kinatawan ng Pilipinas sa 2012 Miss Universe Pageant. Ginanap ang kompetisyon sa Las Vegas, Nevada, USA at nilahukan ng 89 na kandidata mula sa iba’t ibang bansa. Nagpakitang-gilas si Janine sa kabuuan ng timpalak kaya umabot siya sa Top 3. Sa question-and-answer portion, ang kilalang photographer na si Nigel Barker ang nagtanong kay Janine ng, “As a global ambassador, do you think speaking English should be a prerequisite to being Miss Universe?” Ito ang sagot ng dalaga: “For me, being Ms. Universe is not just about knowing how to speak a specific language. It’s being able to influence and inspire other people. So whatever language you have, as long as your heart is to serve and you have a strong mind to show to people, then you can be Ms. Universe.”
Siya pa lamang ang kandidata na nakapag-uwi ng ganitong parangal pagkaraan ng 13 taon mula nang manalo si Miriam Quiambao.
Isinilang sa Alaminos, Laguna, si Ariella Arida na naging pambato ng Pilipinas sa 2013 Miss Universe Pageant na ginanap sa Moscow, Russia. Nakipagtunggali siya sa 84 na iba pang mga kandidata at hinirang bilang 3rd runner-up sa coronation night. Sa question-and-answer portion, tinanong siya ng, “What can be done about the lack of jobs for young people starting their career around the world?” Sinagot ito ni Ariella ng, “I do believe we should invest in education – and that is my primary advocacy. Education is a primary source and a ticket for better future.”
(DIANA T. ALEGRE)