KASAMA ang Amerika at ang kabuuan ng mundo sa Kanluran, ipinagdiwang natin ang Bagong Taon noong Enero 1 sa pamamagitan ng karaniwan nang fireworks at pagsasalu-salo ng pamilya para sa “Media Noche” hatinggabi bago maghiwalay ang taon. Ngayong Enero 28, nakikiisa tayo sa China at sa iba pang bahagi ng Asia sa pagdiriwang ng Lunar New Year, o Chinese New Year, na tinatampukan din ng fireworks at pagsasalu-salo ng pamilya.
Sa China, nasasaksihan tuwing Lunar New Year ang pinakamalaking maraming pagbiyahe ng daan-daang milyong mangggagawa na lumilisan sa kani-kanilang pinagtatrabahuhang pabrika at opisina sa Beijing, Shanghai, at sa iba pang malalaking lungsod upang magsiuwi sa kani-kanilang bayang sinilangan na karaniwang nasa kabilang panig ng napakalaking bansa.
Ngayong taon, 414 na milyong Chinese ang inaasahang magbibiyahe sa pagsakay sa tren at eroplano sa limang-araw na Spring Festival na magsisimula ngayon. At dahil patuloy na bumubuti ang ekonomiya ng China, anim na milyon sa mga ito ang magbibiyahe patungo sa ibang bansa, partikular na sa Japan, South Korea, at Timog-Silangang Asya. Sinabi ng isang kumpanya ng eroplano sa China na nagdagdag ito ng 400 biyahe sa iba’t ibang siyudad sa Asya, kabilang ang Cebu sa Pilipinas.
Sa selebrasyon ng Lunar New Year ngayong taon, masiglang nakikipagtulungan ang Pilipinas sa China sa pagpaplano ng ilang proyekto kasunod ng pagbisita ni Pangulong Duterte sa Beijing kamakailan. Nitong Lunes at Martes, nakipagpulong sa Beijing ang delegasyon ng Pilipinas, sa pangunguna ni Finance Secretary Carlos Dominguez, sa mga opisyal ng China, na pinangunahan ni Minister of Commerce Gao Hucheng para sa may 30 proyekto, na gagastusan ng $3.7 billion, na ipatutupad sa Pilipinas. Kabilang sa mga proyektong ito ang pagpapagawa ng mga riles, mga hydroelectric power plant, at sistema ng irigasyon.
Ang ayuda ng China ay “isa sa malilinaw na resulta ng muling pagbabalanse sa patakarang panlabas ni Pangulong Duterte para sa mas mabilis na pagsama ng bansa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN ) at sa mga pangunahin nitong katuwang sa kalakalan sa Asia, ang China, Japan, at South Korea,” ayon kay Secretary Dominguez.
Masasaksihan din ngayong taon ang pangangasiwa ng Pilipinas sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN). Bilang punong tagapagpaganap sa ASEAN, bibigyang-diin natin ang mga positibong aspeto ng kasalukuyang sitwasyon sa bahagi nating ito sa mundo. Layunin natin ngayong taon na magkaroon na ng Code of Conduct sa South China Sea na inaasahan nating papawi sa tensiyon kaugnay ng agawan ng mga teritoryo sa karagatan.
Ngayong Year of the Fire Rooster — na inilalarawan sa Chinese zodiac bilang kumpiyansa sa sarili, tapat, masigasig at responsible — umaasa tayong magiging kaisa ng iba pang mga bansa, partikular sa bahagi nating ito sa mundo, sa buong tapat na pagpupunyagi, pagkakaroon ng tiwala sa sarili nating kakayahan sa pagsulong, at pagiging handa sa sarili nating pagpupursige para sa kapayapaan, kaunlaran at progreso.