HANGGANG ngayon ay hindi ko mahinuha ang lohika ng pagdaraos sa ibang bansa ng GRP at NDF peace talks. Bakit sa ibang lupalop tinatalakay ang nakababahalang problema sa katahimikan na gumigiyagis sa ating bansa? Hindi ba marapat lamang na dito magharap-harap ang mga kalahok sa peace process yamang sila ay pare-pareho namang Pilipino? Bakit kailangang makisawsaw ang mga dayuhan sa paghahanap natin ng pangmatagalang kapayapaan?
Dahil dito, tumitibay ang aking sapantaha na lalong lumalabo ang gayong usapan na dapat ay kaagad nasasaksihan ng mismong mga elemento na nais nating pagkasunduin – ang mga rebeldeng New People’s Army (NPA), ang revolutionary arm ng National Democratic Front (NDF) at Communist Party of the Philippines (CPP).
Nakapanlulumo na sa kabila ng pag-iral ng unilateral ceasefire, nagaganap ang malagim na sagupaan. Kamakailan, halimbawa, walong sundalo at isang rebelde ang nalagas sa magkabilang panig.
Lumilitaw na tila sinasadya ng mga rebelde ang pagbalewala sa tigil-putukan sapagkat malayo sa kanila ang mga kalahok sa peace talks na dapat ay laging nakasubaybay sa galaw ng mismong naghahasik ng karahasan. Personal na pagmasid at hindi sa pamamagitan ng remote control, wika nga, ang kailangan sa paglutas ng mga iringan. Ang hindi pagkakaunawaan ng mga miyembro nito ay hindi dapat panghimasukan ng sinumang nasa ibang lupain. Ang tagumpay ng peace talks ay nasa Pilipinas at wala sa Norway at Italy na pinagdadausan ngayon ng ikalawang yugto ng usaping pangkapayapaan.
Ganito rin ang nakita kong eksena sa Bangsamoro Peace Agreement na nilagdaan sa Malacañang noong nakaraang administrasyon. Puspusan itong isinulong ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at ng mga kinatawan ng ating gobyerno. Ang naturang peace talks ay nakaangkla sa hangaring magtatag ng Bangsamoro Basic Law (BBL).
Tulad ng GRP-NDF/CPP peace talks, ang GRP-MILF pact ay mahabang panahon ding tinalakay sa ibang bansa – sa Malaysia.
At may mga dayuhan ding lumahok sa pagbalangkas ng nasabing kasunduang pangkapayapaan.
Noon pa man ay nagpahayag na ako ng pag-aalinlangan sa katapatan at kabutihang ibubunga ng hinahangad na kasunduan.
Bakit hindi isinali rito ang Moro National Liberation Front (MNLF), Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at maging ang mga galamay ng Abu Sayyaf at Maute Group (MG) na, katulad ng MILF, ay pawang mga lahi ng Muslim o Moro?
Sa anu’t anuman, isang makulay at makasaysayang seremonya ang ating nasaksihan sa Malacañang kaugnay ng paglagda sa Bangsamoro Peace Agreement. At dumating sa ating bansa ang Prime Minister ng Malaysia upang saksihan ang paglagda sa nasabing dokumento.
Dahil sa masasalimuot na pangyayari, mistulang naibasura ang BBL na isinulong ng GRP-MILF panel. Ganito rin kaya ang mangyayari sa GRP-NDF/CPP peace talks? (Celo Lagmay)