Isang konsehal ng Bataan at isang barangay chairman sa Cebu na kapwa high-value target (HVT) ang naaresto sa drug raid, bukod sa isang kawani ng gobyerno at dalawa pang kapitan at isang kagawad sa La Union, sa magkakahiwalay na operasyon ng pulisya sa tatlong nabanggit na lalawigan.

Sa ulat ni Police Regional Office (PRO)-3 Director Chief Supt. Aaron Aquino, kumpirmadong dinakip nitong Huwebes sina Bienvenido Vicedo, Jr., 45, konsehal ng Morong, pangunahing HVT ng Bataan; at Jose Angeles Diwa, 45, hepe ng General Services Office ng pamahalaang bayan ng Morong, ikalawang HVT ng Morong Police, kapwa taga-Barangay Poblacion.

Sa bisa ng dalawang search warrant, sinabi ni Aquino na nasamsam mula sa bahay ng konsehal ang isang 12-gauge shotgun, tatlong bala nito, isang improvised .22 caliber rifle at apat na bala nito, dalawang maliliit na plastic sachet ng hinihinalang shabu at drug paraphernalia; habang magazine assembly ng .9mm caliber naman ang nakumpiska mula sa bahay ni Diwa.

Sa Cebu, dinampot ng mga tauhan ng pulisya at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) si Eduardo Bacalso, chairman ng Bgy. Sangi, Toledo City, at nahulihan ng P400,000 halaga ng umano’y shabu, ayon kay PDEA-7 Chief Yogi Filemon Ruiz.

Probinsya

Mag-inang menor-edad, natagpuang nabubulok na bangkay sa loob ng sariling bahay

High-value drug personality ng PDEA at pangunahing HVT ng Toledo City Police, todo-tanggi si Bacalso na sangkot siya sa droga—bagamat kilala siyang tulak sa lungsod at kaya umanong magbenta ng isang kilo ng shabu kada linggo.

Sa bisa ng seach warrants, naaresto naman sa La Union nitong Miyerkules sina Jojo Rivera Alban, chairman ng Bgy. Maoasoas Sur, Pugo, HVT sa probinsiya; Maximo Dacanay, 58, chairman ng Bgy. Sta. Rita Sur, Agoo, ikasampu sa drug watchlist; at Abelardo Aspuria, 59, kagawad ng Bgy. Conception, Rosario, La Union.

Nasamsam kay Alban ang limang sachet ng hinihinalang shabu at iba’t ibang bala, apat na sachet ng sinasabing shabu mula kay Dacanay, at anim na sachet ng hinihinalang shabu mula kay Aspuria.

(FRANCO REGALA, MARS MOSQUEDA, JR. at ERWIN BELEO)