Aminado ang pamunuan ng Batangas Police Provincial Office (BPPO) na nasa 15 porsiyento pa lang ang drug-cleared sa probinsiya sa kabila ng maigting na kampanya upang masugpo ang ilegal na droga, na nabigo nitong maisakatuparan sa loob ng anim na buwan, gaya ng una nitong ipinangako.

Sa panayam kay BPPO Director Senior Supt. Leopoldo Cabanag, sa kasalukuyan ay limang bayan pa lang sa probinsiya ang nakukumpirmang drug-cleared ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Kabilang sa mga bayang drug-free na ang San Luis, ang kauna-unahang idineklara sa bansa, gayundin ang Balete, Taal, San Nicolas at Alitagtag.

Kasabay nito, ipinagmalaki naman ni Cabanag na dahil sa nasabing accomplishment ay patuloy na ginagaya ang Batangas ng ibang lalawigan at rehiyon, kasabay ng pag-asang magiging drug-cleared na ang buong bansa ngayong 2017.

Probinsya

Mag-inang menor-edad, natagpuang nabubulok na bangkay sa loob ng sariling bahay

“Nangunguna pa rin tayo (Batangas) sa drug-cleared. Dadami at dadami pa ang magdedeklara kahit na maraming naniniwala na ang droga ay hindi mahihinto,” ani Cabanag.

Sa kasalukuyan, siyam na bayan pa sa Batangas ang “on process” ang mga dokumento at naghihintay na maaprubahan para maideklara ring drug-cleared ng PDEA, ayon kay Cabanag, (Lyka Manalo)